Tapat sa pangako nitong iangat ang mga benepisyaryo ng pabahay, isinagawa ng National Housing Authority (NHA) sa unang pagkakataon ang Mega Job Fair sa pagsasagawa nito ng People’s Caravan na ginanap sa Paradise Heights-Smokey Mountain Development and Reclamation Project (SMDRP) sa Tondo, Manila, kamakailan lang.
Bilang kinatawan ni NHA General Manager Joeben Tai, pinangunahan ni Assistant General Manager Alvin S. Feliciano ang caravan kasama si NCR West Sector Acting Regional Manager Engr. Rodrigo P. Rocillo.
Ang Mega Job Fair ay nag-alok ng mga oportunidad sa trabaho mula sa iba’t ibang industriya tulad ng corporate office work, delivery, transport and janitorial services. Humigit-kumulang sa 1,073 benepisyaryo ng Paradise Heights ang nakinabang sa aktibidad, na nalampasan ang inisyal na target nito na 700.
Samantala, ang mga pribadong employer na lumahok sa on-the-spot hiring ay ang LSERV Corporation, Redberg Corporation, Triple E Manpower and General Services, Inc., Acabar Marketing International, Inc., Arha Manpower Service, Axelerate Manpower Services, Job Solutions, Manpower Agency, Paramount Human Resource Services Cooperative, Preserve Building Maintenance Services Corporation, Quaflon Phil, Inc., Clean Car Global Phils., Inc., CNT Promo & Ads Specialist, Inc., Fieldmen Janitorial Services Corp., JRS Express, at Topserve Solusyon sa Serbisyo, Inc.
Ang mga suportang ibinigay ng Department of Labor and Employment (DOLE), Public Employment Service Office (PESO)-Manila, Department of Migrant Workers (DMW) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa kaganapan ay nakapaghandog ng oportunidad sa trabaho, libreng seminar at mga pagsasanay, at scholarship sa mga benepisyaryo ng Paradise Heights SMDRP.
Dagdag pa rito, nag-alok din ang iba pang ahensya ng gobyerno ng kanilang serbisyo, kasama ang pagpaparehistro ng membership IDs ng Pag-IBIG Fund loyalty card at Social Security System (SSS); National Bureau of Investigation (NBI) clearance; at pagpapalabas ng National ID mula sa Philippine Statistics Authority (PSA). Kasama din dito ang standby ambulance ng Philippine National Police (PNP)-Medical, Manila Medical Department; food packs at seguridad mula sa lokal na pamahalaan ng Maynila, House of Representatives, Manila Police District; at libreng onsite Internet connectivity sa buong programa sa kagandahang-loob ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Ang caravan ay naaayon sa layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na mailapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa mga tao para makamit ang isang Bagong Pilipinas para sa lahat.
Ang NHA Paradise Heights-Smokey Mountain Development and Reclamation Project ay isang proyektong pabahay na inilaan para sa mga informal settler families (ISFs) na nasa paanan ng Smokey Mountain at mga daluyan ng tubig sa lungsod.#