Upang makamit ang progresibong komunidad sa mga resettlement site, dinala kamakailan lang ng National Housing Authority (NHA) ang pang-pitong People’s Caravan: Serbisyong Dala ay Pag-asa sa mahigit na 1,000 na benepisyaryo mula sa Lungsod ng Pasig.
Bilang kinatawan ni NHA General Manager Joeben Tai, pinangunahan ni Assistant General Manager Alvin S. Feliciano ang paglunsad ng caravan, kasama sina NHA East Sector Officer-in-Charge Ar. Kristiansen T. Gotis at NHA Pasig/Marikina/Manggahan District Officer-in-Charge Engr. Antonio T. Salazar, Jr.
Dinaos sa Karangalan Village, Brgy. Manggahan, isang proyektong pabahay ng NHA, ang People’s Caravan upang ialok ang iba’t-ibang serbisyo ng mga ahensya ng gobyerno at mga pribadong kumpanya sa 1,000 lumahok na benepisyaryo mula sa Karangalan Village Phases 1, 2, at 3, at NHA MRH Karangalan Village Condominium Project, Inc. Nalampasan nito ang ang inisyal na target na 700 benepisyaryo.
Ang pakikipag-ugnayan ng NHA sa iba’t ibang mga ahensya ng gobyerno ay naglalayong mailapit ang mga libreng pampublikong serbisyo, gaya ng pagpaparehistro ng National ID at pag-isyu ng birth, death, CENOMAR at marriage certificates mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), late registration sa Local Civil Registry, aplikasyon at renewal ng clearance sa National Bureau of Investigation (NBI), membership at pagkuha ng loyalty card sa Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Pag-IBIG Fund, pati na rin ang aplikasyon at renewal ng driver’s license na may libreng seminar tungkol sa kaligtasan sa kalsada mula sa Land Transportation Office (LTO).
Bukod pa rito, nag-alok din ang Philippine National Police (PNP) ng aplikasyon sa police clearance at serbisyong medikal, habang ang mga serbisyong pangkalusugan at libreng gamot ay ipinagkaloob ng PAGCOR, Office of the Pasig Representative at Pasig City Health Office. Gayundin, nagsagawa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga serbisyong panlipunan, mga aktibidad sa kabuhayan, at isang feeding program kasabay ng pagbibigay ng libreng food packs mula sa lokal na pamahalaan.
Samantala, nagbigay ng ligal na serbisyo sa mga benepisyaryo sa pamamagitan ng libreng ligal consultation at pagpapa notaryo mula sa Public Attorney’s Office (PAO). Ang Department of Agriculture Agri. Marketing Assistance Services (DA-AMAS) at Bureau of Plant Industry (BPI) naman ay naglagay ng Kadiwa Store upang magbenta ng sariwa at abot-kayang prutas, gulay, karne, bigas, namigay ng libreng assorted seedlings at nagsagawa ng libreng livelihood training.
Mga scholarship, pagsasanay, at seminar na may kinalaman sa entrepreneurship, pre-employment at employment ay isinagawa naman ng Department of Trade and Industry (DTI), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at Public Employment Service Office (PESO), na may dagdag na oportunidad sa kabuhayan mula sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Kaugnay sa layuning magkaroon ng kabuhayan para sa maunlad at progresibong komunidad, sumali din ang 16 pribadong kompanya mula sa industriya ng marketing, health, shipment, at business process outsourcing (BPO) sa job fair na isinagawa.
Kabilang sa mga pribadong kompanya na nag-alok ng serbisyo ay ang Sun Life Philippines, PLDT Home, at Converge.#