Idinaos ang tatlong araw na pagtitipon ng Regional Cooperative Agreement (RCA) upang makapag-sagawa ng sama-sama at organisadong pananaliksik, pag-aaral at pati na rin pagsasanay sa larangan ng agham at teknolohiyang pang- nukleyar. Ang RCA ay isang “inter-government agreement’ para sa East Asia and Pacific bilang kabalikat ng International Atomic Energy Agency o IEAE.
Ang RCA National Meeting of Representatives (NRM) ay idinaraos halos taon-taon di lamang para mapag-usapan bagkus ay maaksyunan ang mga isyu tungkol sa nukleyar at ibang paksang may kaugnayan dito. Ang mga bansang Bangladesh , China , Indonesia , Japan , New Zealand at Pilipinas ay ilan lamang sa mga bansang kasapi sa ugnayang nabanggit.
Sa kabilang banda, unang ginanap ang ika-10 RCA Regional Office Standing Advisory Council Meeting (SAC) bago pa man ang NRM na kung saan ang mga mapag-uusapan ay isa sa mga iniuulat sa NRM. Napag-usapan dito ang ‘effective and successful communication strategy development’, pakikipag-ugnayan ng RCA sa iba’t ibang pandaigdigang ahensya tulad ng UNDP, international funding sources, at magawang mapalawig at mapabilis ang pamamahagi ng impormasyon sa tulong ng internet at iba pang pamamaraan.
Sa ginanap naman na NRM, sa pangunguna ni Dr. Alumanda de la Rosa, Director ng PNRI-DOST at kasalukuyang chairman ng RCA, tinalakay ang paghirang ng bagong chairman ng RCA, at RCA programme para sa mga taong 2009 at 2012, at proyektong pakikipagugnayan sa ibang ahensya tulad ng FNCA, at iba pa.
Si Prof. Fortunato T. de la Peña, Undersecretary for S&T Services ang kumatawan kay DOST Secretary Estrella F. Alabastro para sa kanyang keynote speech. Pinasalamatan ng una ang mga delegado ng iba’t ibang bansa at kanyang binanggit na karangalan ng Pilipinas ang ganitong mga pagtitipon. Isa sa kanyang pinagtuunan ng pansin ay ang maaring maging papel ng teknolohiyang nukleyar sa usaoing climate change, pagpapalawig ng teknolohiya sa pagsasaka at pangingisda at iba pa. Bukod pa rito, binati rin niya ang RCA sa mga proyektong nakatutok sa lumalaking isyu ng climate change. Hinikayat din niya na gumawa ng mga stratehiya para sa pananaliksik at maiiayon sa mga inaasahang probisyon ng mga namumuno sa kani-kanilang bansa na maaring maging sagabal sa kanilang panuntunan.
Napag-usapan din dito ang pagdadausan ng susunod na pagpupulong sa Bali, Indonesia sa darating na ika-25 hanggang ika-29 ng Abril taong 2011. -30-