Nagpatawad ang National Housing Authority (NHA) ng halagang P623.7 milyon sa mga penalty at interes ng 14,330 pamilyang benepisyaryo ng pabahay sa ilalim ng kanilang “Condonation 7” program, na magtatapos sa Disyembre 31, 2025. Ito ang pinakamalaking condonation program sa kasaysayan ng ahensya na naglalayong magbigay ng malawakang kaluwagan sa mga delinquent na loan accounts.

Ayon sa NHA, ang programang inisyatibo ni General Manager Joeben Tai ay nagkondona ng 100% ng mga penalty at delinquency interest, at 95% ng hindi nabayarang amortization interest. Sa walong buwang implementasyon, nakakalap na ang ahensya ng P29.37 milyon mula sa mga nag-avail ng condonation. Orihinal na dapat magtapas noong Oktubre 31, 2025, ngunit pinalawig ito ng dalawang buwan para bigyan ng pagkakataon ang mas maraming pamilyang naapektuhan ng kahirapan at mga kalamidad.
Direktang nakatikim ng ginhawa ang libu-libong pamilya. Gaya nina Ciriaco at Lourdes Ondillo mula sa Kaunlaran Village, na napawi ang P200,000 na utang sa lote nang mabayaran lang ang kalahati nito. “Nakahinga kami ng maluwag,” sabi ni Ciriaco. Sa Caloocan City, si Berbeth Agrava ay nakapag-impok para sa negosyo matapos bumaba ng dalawang-katlo ang kanyang balanse. “Imbis na ibayad sa interest, nagamit ko sa pangkabuhayan,” ani Agrava.
Para sa isang biyuda na si Corazon Octavio, ang programa ang naging sandigan ng bagong pag-asa matapos mawalan ng asawa at harapin ang mga penalty. “Akala ko cancelled na kami… muli akong nabigyan ng panibagong pag-asa,” pahayag niya. Naging daan ito para mapanatili niya ang kanilang tahanan nang hindi umaasa sa kanyang mga anak.
Giit ni GM Tai, ang programa ay alinsunod sa adhikain ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) at ng Bagong Pilipinas. “Maraming pamilya po ang aming natulungan… Makakaasa po kayo na kami ang inyong sandigan,” pagtatapos ni Tai. Sa kabuuan, nakatulong ang “Condonation 7” hindi lang sa pag-aayos ng mga arrears kundi sa pagpapatatag ng kabuhayan at pangmatagalang seguridad sa pabahay ng libo-libong pamilyang Pilipino.#