Nagpamahagi ang National Housing Authority (NHA) ng kabuuang P57.865 milyon sa 5,787 na pamilyang biktima ng Bagyong Odette sa Lungsod ng Carcar, Cebu. Ang nasabing cash aid, na tig-P10,000 bawat pamilya, ay bahagi ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng ahensya upang matulungan ang mga nasiraan ng tahanan.

Pinangunahan ni NHA Assistant General Manager Alvin S. Feliciano ang panghuling distribusyon noong Disyembre 12, 2026, kasama si NHA Region VII Regional Manager Engr. Hermes Jude D. Juntilo. Ayon sa pahayag ni NHA General Manager Joeben A. Tai, ang pondo ay nakalaan sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang tulungan ang mga biktima ng kalamidad sa kanilang pagbangon.
Batay sa tala ng ahensya, ang mga benepisyaryo ay naipamahagi sa tatlong araw: 2,037 pamilya noong Disyembre 10, 2,038 pamilya noong Disyembre 11, at 1,712 pamilya noong Disyembre 12 ng 2026. Ang mga ito ay mula sa 15 barangay ng Carcar. Ang listahan ng mga mabibigyan ay batay sa verified na DSWD-DROMIC report mula sa lokal na pamahalaan.
Dumalo at tumulong sa pagpapadali ng distribusyon sina Cebu Governor Pamela S. Baricuatro, Carcar City Mayor Mario Patricio P. Barcenas, Vice Mayor Hervy Alejandro “Perkins” B. De Dios, at iba pang opisyal ng NHA at LGU.
Matinding tinamaan ng Bagyong Odette ang Carcar City noong Disyembre 2021, na nagdulot ng malawakang pagkawasak ng mga bahay, imprastraktura, at kabuhayan.
Ang EHAP ay isang tuluy-tuloy na programa ng NHA na sumusuporta sa mga low- at marginal-income na pamilyang nasalanta ng natural o gawa-tao na mga kalamidad. Layunin nito na magbigay ng cash grants para sa pag-aayos o muling pagtatayo ng mga nasirang tahanan.
Ayon sa NHA Cebu, susunod na nakatakda ang payout para sa iba pang mga munisipyo sa katimugang bahagi ng Cebu sa mga darating na araw.#