ITINUTURING ni dating Department of Education Undersecretary for Finance Antonio “Butch” Valdes na “Achilles Heels” ang pagpapaubaya umano nito sa kanyang economic team ang kinabukasan ng ating bansa.
Dahil umano ito sa mga nakapaloon na 10-point economic agenda na inilabas ng economic team ni Pangulong Duterte bago pa man ito manumpa sa katungkulan bilang Pangulo ng bansa.
Ayon kay Prof. Valdes, kailangan umanong huwag ipagpatuloy ng Pangulo ang mga programang public private partnership, EPIRA, deregulasyon at dagdag na 2 porsiyento ng EVAT at VAT, at lalo pang pagpapaigting ng Reproductive Health Bill.
Aniya, ang mga programang ito ng dating pamahalaan ang siyang nagpahirap sa taumbayan at may layuning bawasan o pigilan ang pagbubuntis o pagsilang ng bagong henerasyon ng ating bayan.
Halos ang mga binubuo umano na economic team ni Pangulong Duterte at iba pang nagbibigay ng pahayag na ekonomista ay itinuturing na sanhi ng kahirapan ang paglaki ng populasyon na isa umanong kabalintunaan ayon sa physical economist na si Valdes.
Aminado naman si Prof. Valdes na si Duterte lamang umano ang naging lider ng bansa na pinatunayan na kaya nyang panindigan ang laban kontra droga at korapsyon sa maikling panahon pa lamang nito sa panunungkulan gayong ang mga nagdaang mga naging Pangulo ay humihingi ng 100 araw upang isakatuparan ang kanilang mga pangako sa panahon ng kanilang pangangampanya.#