Matapang at kumpiyansang inilatag ng Pilipinas ang ambisyosong Priority Economic Deliverables (PEDs) nito para sa ASEAN 2026 Chairship sa harap ng mga pangunahing negosyante at policymaker sa Indonesia Economic Summit noong Pebrero 3–4 sa Shangri-La Hotel Jakarta, kung saan iginiit ng pamahalaan na handa ang bansa na pangunahan ang mas malalim na integrasyon at industriyal na pag-angat ng rehiyon. Pinangunahan ng Department of Trade and Industry (DTI), sa pamamagitan ng Board of Investments (BOI) at Philippine Trade and Investment Center–Jakarta (PTIC Jakarta), ang delegasyon ng Pilipinas, kung saan kinatawan ni BOI Governor Atty. Marjorie O. Ramos-Samaniego ang bansa sa high-level panel na “Trends Shaping ASEAN Economic Evolution and Its Global Positioning.”
Sa talakayan, iginiit ni Ramos-Samaniego na nakatuon ang Pilipinas sa pagpapabilis ng digital integration, pagpapalakas ng regional connectivity, at mas malalim na pagsasama ng micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa kabuuang economic architecture ng ASEAN. “The Philippines is committed to ensuring that our ASEAN Chairship lays a strong foundation for the decades ahead by unlocking regional industrial potential, intensifying knowledge transfer, and strengthening cross-border technology cooperation,” aniya, sabay-diin na may “real opportunity” ang ASEAN na maging strategic alternative sa gitna ng paglipat ng global production hubs mula sa high-risk regions.
Binigyang-diin din niya na kailangang iugnay ang MSMEs sa regional value chains at bumuo ng matatag na manufacturing ecosystems kung saan sabay na makikinabang ang malalaking kumpanya at maliliit na negosyo sa scale, interoperability, at productivity. Higit pa rito, hinikayat niya ang rehiyon na lampasan ang tradisyunal na sektor at samantalahin ang mga oportunidad sa enerhiya, healthcare, at advanced manufacturing.
Itinampok din ng Pilipinas ang semiconductor industry bilang pangunahing prayoridad ng rehiyon, binanggit ang sentral nitong papel sa manufacturing ecosystem ng ASEAN at kahalagahan nito sa pagpoposisyon ng rehiyon bilang competitive at maaasahang investment destination habang nag-aadjust ang global supply chains.
Kasama sa panel sina Chartsiri Sophonpanich ng Bangkok Bank, Mark Lee ng Singapore Business Federation, Tengku Zafrul Aziz ng Malaysian Investment Development Authority, at Dr. Tetsuya Watanabe ng Economic Research Institute for ASEAN and East Asia, sa moderasyon ni Tan Sri Rebecca Fatima Sta Maria, dating Executive Director ng APEC Secretariat.
Bilang ASEAN Chair sa 2026 sa ilalim ng temang “Navigating Our Future, Together,” patuloy na itinutulak ng DTI ang Pilipinas bilang strategic investment hub sa rehiyon, suportado ng tuloy-tuloy na policy reforms, competitive incentives, batang at skilled na workforce, at lumalawak na ecosystem sa semiconductors, advanced manufacturing, energy, healthcare, at digitally enabled industries—isang malinaw na pahiwatig na handa ang bansa hindi lamang makisabay, kundi manguna sa susunod na yugto ng pag-unlad ng ASEAN.#




