LUNGSOD QUEZON — Nagsagawa ng isang “Anti-Corruption and Peace Rally” ang ilang mga kilusan at samahan noong ika-18 ng Nobyembre 2025 sa Welcome/Mabuhay Rotonda bilang pagpapakita ng kanilang buong suporta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at paninindigan laban sa katiwalian.

Pinangunahan ng Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement, Alyansa Bantay Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), PADER Youth, Liga Independencia ng Pilipinas Youth (LIPI), at iba pang grupo, ang rally ay ginanap sa ilalim ng temang: “Protect PBBM, protect the mandate of the Filipino People.”

Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Giselle Albano, tagapagsalita ng FDNY Movement, ang matinding pagkondena ng mga grupo sa anumang uri ng kaguluhan at katiwalian na sumisira sa kapakanan at kapayapaan ng bansa. Hinikayat niya ang bawat Pilipino na manatiling mapagbantay at sumunod sa mga demokratikong proseso at umiiral na batas.

“Pagsunod sa mga demokratikong proseso, umiiral na mga batas, at ang mandato na ibinigay ng mamamayan sa ating mahal na Pangulo upang matiyak na may matibay na ebidensyang maihain sa hukuman upang maipakulong at mapanagot ang lahat ng mga sangkot sa korapsyon sa flood control projects,” pahayag ni Albano.
Binanggit naman ni Rodolfo “RJ” Villena Jr. ng ABKD ang kanilang patuloy na pagtataguyod at pagtatanggol sa administrasyon ni Pangulong Marcos. “Kami ay patuloy na maninindigan, makikipagtulungan, at ipagtatangol ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr., para sa pagtataguyod ng Bagong Pilipinas para sa tao at para sa bayan,” dagdag niya.
Idinagdag pa ni Villena: “Ang tao, ang bayan, ayaw ng kaguluhan at katiwalian. Protect PBBM, protect the government of the people, by the people, for the people.”
Sa pagtatapos ng programa, hinimok ng mga nagrali ang publiko na makibahagi sa pagpapanatili ng kapayapaan, demokrasya, at maayos na pamamahala para sa bansa.
Ang rally ay nagsilbing malakas na tinig ng pagtutol sa korapsyon at pagpapahalaga sa mandato ng sambayanang Pilipino.
Sabay-sabay na isinigaw ng mga sumusuporta kay Pangulong Bongbong Marcos ang:
- IGALANG ANG MANDATO NG SAMBAYANANG PILIPINO!
- ANG TAO, ANG BAYAN, BBM PA RIN!
- ANG TAO, ANG BAYAN, MARCOS PA RIN!
- MGA KURAKOT. IKULONG. PANAGUTIN.
- GISELLE ALBANO – Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement
- RODOLFO “RJ” VILLENA JR. – Alyansa Bantay Kapayapaan at Demokrasya (ABKD)
- JEFFREY SUREL – PADER Youth
- LEONA MARIE ROSADIO – Liga Independencia ng Pilipinas Youth (LIPI)
- ANDREW WILLIAM ASIS AT CLAIRE DELA TORRE – KAMASKARA




