Nakamit ng Manila Water ang dalawang karangalan sa ika-21 na Philippine Quill Awards na ginanap sa Manila Hotel, kung saan pinarangalan ang kanilang mga programa sa komunikasyon na naglalayong isulong ang kalusugang pampubliko at pangangalaga sa kapaligiran.

Tinanggap ng Manila Water Foundation ang Merit Award sa kategoryang Corporate Social Responsibility para sa kanilang “Project Drink Pilipinas!”. Ang inisyatibong ito ay naglalayong itaguyod ang tamang pag-inom ng tubig para sa kalusugan at kalikasan. Sa pamamagitan ng proyekto, nakapag-install na ang Manila Water Foundation ng mahigit 400 na refrigerated drinking fountains (RDFs) sa mga pangunahing pampublikong lugar tulad ng mga parke, ospital, at destinasyong panturista.
Nakahanay din ang mga RDF sa mga paaralan sa Kalakhang Maynila, upang matiyak na ang mga mag-aaral, guro, at kawani ay may madaling access sa malinis at malamig na inuming tubig. Sa kasalukuyan, mahigit 752,987 na indibidwal ang nakikinabang sa proyekto. Hinihikayat din ng “Project Drink Pilipinas!” ang paggamit ng mga washable na tasa o tumbler, bilang alternatibo sa mga single-use plastic bottle na nagdudulot ng polusyon at pagbaha.
Ayon kay Manila Water Foundation Executive Director Rej Andal, “Nanawagan ang Project Drink Pilipinas! sa mas marami pang partner at donor upang mas marami pang RDF ang maipatayo sa mga paaralan at pampublikong lugar. Sa tulong ng mga partnership, ating punan ang pangangailangan ng publiko sa malinis na tubig, itaguyod ang kalusugan, at pangalagaan ang kapaligiran.”
Samantala, nakatanggap din ng Merit Award ang Manila Water Sustainability Team para sa kanilang programa na “Katubig Currents: Stories & Actions for a Sustainable Future” sa kategoryang Sustainability Communications at Breakthroughs and Innovations. Pinagsasama ng programa ang “Pasibol: Puno ng Pag-asa,” isang employee-led na proyekto para sa watershed restoration, at “Kwentong Katubig,” isang plataporma para sa pagkukuwento, upang palakasin ang kultura ng sustainability sa loob ng kumpanya. Naitala ang mahigit 1,600 na oras ng pagvo-volunteer, 22 na naisapublikong artikulo, at iba’t ibang employee-driven innovations sa ilalim ng Katubig Currents.
“Ipinapakita ng Katubig Currents ang diwa ng aming sustainability journey – ang bigyan ng kapangyarihan ang bawat empleyado ng Manila Water na maging tagapagsalaysay, ahente ng pagbabago, at tagapangalaga ng ating kinabukasan. Ang pagkilalang ito ay nagpapatunay na ang tunay na aksyon para sa klima ay nagsisimula sa loob ng organisasyon,” pahayag ni Manila Water Sustainability Director Sarah Bergado.
Ang Philippine Quill Awards ay pinangangasiwaan ng International Association of Business Communicators (IABC) Philippines at itinuturing na isa sa pinakaprestihiyosong parangal para sa kahusayan sa business communication sa bansa.#



