Nanguna ang Manila Water Infratech Solutions (MWIS), ang operating unit ng Manila Water para sa Non-East Zone, sa pagpapakilala ng kanilang makabagong iTECH Packaged Sewage Treatment Plant (STP) sa dalawang mahalagang industriya: isang kilalang chain ng quick-service restaurant (QSR) at sa sektor ng aviation. Ang mga proyektong ito ay hudyat ng isang mahalagang hakbang tungo sa mas sustainable na pamamahala ng wastewater at pagsunod sa mga regulasyong pangkalikasan sa bansa.
Pambihirang Hakbang sa Paliparan ng El Nido
Sa isang pambihirang pagkilos para sa industriya ng aviation, nakipagtulungan ang isang pangunahing kumpanya ng aviation sa MWIS upang mag-install ng iTECH Packaged STP sa Lio El Nido Airport sa Palawan. Ito ang kauna-unahang instalasyon ng ganitong uri sa industriya ng aviation sa Pilipinas, na tutugon sa partikular na hamon ng pagtrato sa dumi mula sa palikuran ng mga sasakyang panghimpapawid, na naglalaman ng mga kemikal na hindi kayang prosesuhin ng mga karaniwang sistema.
Lunas sa Hamon, Proteksyon sa Kalikasan

Inilunsad ng MWIS noong 2024, ang sistemang iTECH ay gumagamit ng advanced na membrane bioreactor (MBR) technology upang mabisang salain ang mga dumi, kontaminante, at pathogen sa tubig, kabilang ang nitrate at phosphate. Tinitiyak nito ang pagsunod sa mahigpit na mga alituntunin pangkalikasan at nakatutulong upang mapanatili ang pristinong kapaligiran ng Palawan. Sa pamamagitan nito, nangunguna ang nasabing kumpanya ng aviation sa pangangalaga ng kalikasan, na nagpapatunay na maaaring magkasundo ang komersiyal na aviation at preserbasyong ekolohikal.
Maging ang mga Restawran, Sumabak sa Pangangalaga ng Kalikasan
Samantala, isang kilalang chain ng QSR sa bansa ay kumilos din para sa kalikasan sa pamamagitan ng pag-install ng iTECH Packaged STP sa kanilang sangay sa Wilson, San Juan. Tinitiyak ng hakbang na ito na ang itinatapong tubig ay naisasaaayon at higit pa sa mga pamantayang itinakda ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Nakatutulong ito upang mapangalagaan ang mahahalagang yamang-tubig, mga marine ecosystem, at kalusugan ng publiko. Ang komitment ng QSR ay nagsisilbing makapangyarihang halimbawa sa ibang negosyo, na nagpapatunay na maaaring magkasabay ang kita at responsibilidad sa kapaligiran.
Solusyon para sa Lahat

Binibigyang-diin ng mga partnership na ito ang dedikasyon ng MWIS na gawing accessible at epektibo ang pagsunod sa mga alituntunin pangkalikasan para sa mga negosyo ng anumang laki. Sa pamamagitan ng cutting-edge na teknolohiya sa pagtrato ng wastewater, patuloy na sinusuportahan ng MWIS ang iba’t ibang industriya sa pagkamit ng kanilang mga layunin sa sustainability.
May kakayahang magtreat ng 10 cubic meters bawat araw, ang iTECH Packaged STP ay mainam para sa mga pangangailangan ng maliliit hanggang katamtamang industriyal na pasilidad at mga lokasyong liblib. Ang kompaktong disenyo nito ay nangangailangan ng kaunting maintenance at nagtataglay ng plug-and-play na sistema ng instalasyon, na ginagawa itong angkop lalo na sa mga masisikip na espasyo at mabilisang pag-deploy.
Hinihikayat ang mga negosyong nagnanais umalinsunod sa mga pamantayang pangkalipunan at makapag-ambag sa isang luntiang kinabukasan, na tuklasin ang mga cost-effective at DENR-compliant na solusyon sa wastewater treatment ng MWIS.#



