Bilang pagtataguyod sa proteksyon ng kalikasan, muling nakiisa ang Manila Water sa Pandaigdigang Araw ng Paglilinis ng Baybayin o International Coastal Cleanup Day, na ginanap noong Septyembre 20, 2025, sa Manila Bay Dolomite Beach.
Sa ilalim ng temang “Clean Seas Against the Climate Crisis,” layunin ng programa na labanan ang polusyon sa karagatan at pagbawasan ang epekto ng krisis sa klima. Nagsama-sama ang mahigit 85,000 na kalahok mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at pribadong organisasyon sa buong bansa, kabilang ang 32 empleyado-boluntaryo mula sa Manila Water.
Ayon sa ulat, nakakolekta ng halos 460,000 kilo ng basura ang mga kalahok sa 298 na cleanup sites sa buong Pilipinas. Kabilang sa mga pangunahing lugar na nilinisan ang SM by the Bay sa Pasay City, Las Piñas–Parañaque Wetland Park, Tanza Marine Tree Park sa Navotas, Pasig River sa Pandacan, Baseco Lagoon sa Maynila, Tullahan River sa Quezon City, at mga baybaying lugar sa Aseana City at Solaire Resort sa Parañaque.
Pinangunahan ng Manila Bay Coordinating Office sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nasabing aktibidad, na binigyang-diin ang kahalagahan ng malinis na karagatan bilang bahagi ng solusyon sa climate change.

“Ipinagmamalaki naming maging bahagi ng makabuluhang adhikaing ito. Ang aming pakikilahok ay hindi lamang tungkol sa pagbibigay ng serbisyo sa tubig. Ito ay para protektahan ang mga ekosistemang nagpapanatili sa atin, at upang hikayatin ang sama-samang pagkilos para sa isang malinis at mas matatag na kinabukasan,” pahayag ni Jeric Sevilla, Communications Affairs Group Director ng Manila Water.
Dumalo rin sa programa ang ilang key officials ng DENR, kabilang sina Executive Director Jacob F. Meimban Jr., Assistant Secretary for Mining and Concern Michael V. Cabalda, at Undersecretary for Policy, Planning, and International Affairs Jonas R. Leones. Nanguna naman sa participant briefing si Rodellina M. de Villa, MEO West OIC Director.
Sa pamamagitan ng ganitong mga hakbang, patuloy na isinusulong ng iba’t ibang sektor ang pagpapanatili at pagsasaayos ng mga marine ecosystem ng bansa.#



