Sa panahon ng mabilisang moda at pagdami ng basurang tela, patuloy ang paghahanap ng mga sustainable at eco-friendly na tela. Isang karaniwang gulay na kilala sa hapag-kainan ng mga Pilipino ang nagtataglay ng potensyal na baguhin ang industriya ng tela sa bansa—ang saluyot.
Kilala sa siyentipikong pangalang Corchorus olitorius, at tinatawag ding tagubang, bush okra, o jute sa ibang bansa, ang saluyot ay itinuturing na pangalawa sa pinakamalaking fiber crop sa buong mundo, sunod lang sa cotton. Ngunit hindi lang ito pampagulay—maaaring maging gintong oportunidad para sa ekonomiya at kapaligiran ng Pilipinas.
Sa pamumuno ng Department of Science and Technology – Philippine Textile Research Institute (DOST-PTRI), na-extract ang mga hibla mula sa tangkay ng saluyot at ginawang makabagong sinulid o yarn. Ang proseso ay nagsisimula sa pag-retting o pagbabad ng mga tangkay, paglinis, pambabad, at paghahalo sa iba pang mga hibla tulad ng lyocell. Ang kinalabasan ay isang malakas, maganda, at eco-friendly na tela na maaaring gamitin sa damit, tela sa bahay, at maging sa mga gamit pampang-agrikultura.

Noong 2009, kinilala ng United Nations ang saluyot bilang isa sa 15 pangunahing natural fibers sa mundo. Layunin nito na palakasin ang industriya ng natural na mga hibla, suportahan ang mga magsasaka, at isulong ang sustainable na produksyon.

Sa Pilipinas, nasa 692 ektarya ng lupain sa Ilocos at Western Visayas ang itinanim ng saluyot noong 2006. Sa pagpapalago nito, mas maraming magsasaka, manghahabi, at maliliit na negosyo ang mabibigyan ng kabuhayan. Giit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kanyang SONA 2025: “Palalaguin pa natin ang industriya ng telang Pinoy,” na nagpapakita ng suporta sa likas-yaman at pag-innovate sa lokal na tela.
Bukod sa pagbibigay ng trabaho, malaki ang ambag ng saluyot sa pagbawas ng textile waste. Ayon sa ulat, mahigit 267,000 tonelada ng basurang tela ang itinapon sa mga landfill sa Pilipinas bawat taon. Ang tela mula sa saluyot ay biodegradable, matibay, at breathable—perpekto para sa sustainable fashion at praktikal na gamit.
Isang magandang halimbawa ang Barong Tagalog na gawa sa pinaghalong piña at saluyot, hinabi ng La Herminia Piña Weaving at dinisenyo ni Avel Bacudio. Ipinakikita nito na maaaring maging mamahalin at makabago ang mga produktong gawa sa saluyot.
Ayon kay Dr. Julius L. Leaño, Jr., Direktor ng DOST-PTRI, “Ang breakthrough sa saluyot fiber ay magpapaabante sa Telang Pinoy, at patunay na ang likas-yaman ng bansa ay maaaring gawing sustainable textiles para sa hinaharap.”

Sa panahon ng fast fashion, ang simpleng halaman ng saluyot ay nagpapaalala: minsan, ang solusyon sa malalaking hamon ay nakatago sa ating mga bakuran—at pinalago ng sariling mga kamay.#