Namahagi ang National Housing Authority (NHA) ng Certificates of Eligibility of Lot Award (CELA) sa 101 mga kwalipikadong benepisyaryo at 95 Transfer of Certificates of Title (TCTs) sa mga benepisyaryong bayad na sa mga iginawad sa kanilang pabahay sa pagtatapos ng Housing Caravan: Asensong Ramdam na ginanap kamakailan lang sa San Jose del Monte Convention Center sa Bulacan.
Ang kaganapang ito ang nagsilbing pagtatapos ng apat na araw na caravan, na tumakbo mula Nobyembre 4 hanggang Nobyembre 7, na nakapagbigay ng mahalagang suporta sa pabahay sa mga komunidad sa buong lungsod.
Personal na pinangunahan ni NHA General Manager Joeben Tai, kasama sina Assistant General Manager Alvin S. Feliciano, Region III Manager Minerva Y. Calantuan at Bulacan OIC District Manager Engr. Leonora M. Danganan, ang delegasyon ng NHA sa caravan, kung saan binigyan-diin niya ang kanyang buong suporta sa komprehensibong aktibidad na ito na naglalayong mapabuti ang pamumuhay ng mga pamilyang Pilipino.
“Kaya po, nagsasagawa tayo ng mga hakbanging katulad nito para makatulong na bigyang kulay at katuparan ang isa sa mga ninanais ng ating mahal na Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., na magkaroon ng isang progresibo at matiwasay na pamumuhay ang ating mga kababayan para sa isang Bagong Pilipinas,” susog ni GM Tai.
Ginhawa’t saya naman ang hatid ng caravan sa mga nakatanggap ng TCT, katulad ni Josemillo Pajaganas mula sa Sapang Palay Resettlement Project.
“Nagpapasalamat ako ng marami sa NHA dahil naibigay na sa akin ‘yung titulong inaasam ko,” banggit ni Josemillo.
Isang inisyatiba ni House Committee on Housing and Urban Development Chairperson Rep. Florida Robes ang Housing Caravan upang ilapit ang mga serbisyong pabahay sa mga residente ng San Jose del Monte, na nagsisilbing isang one-stop shop para sa kanilang mga pangangailangan at isyu tungkol sa pabahay.
Bukod sa NHA, dumalo rin sa kaganapan ang iba pang Housing Key Shelter Agencies (KSAs) tulad ng Home Development Mutual (Pag-IBIG) Fund at Social Housing Finance Corporation (SHFC).#