Pagtatagpo sa Chongqing at Guangzhou, tumutok sa pamumuhunan, agrikultura, mineral
Mas napabuti ng Pilipinas ang ugnayang pang-ekonomiya nito sa Tsina matapos ang magkakahiwalay na mataas na lebel na pagtatagpo sa mga lunsod na gaya ng Chongqing, at Guangzhou, kung saan nailatag ang mga kongkretong hakbang sa pamumuhunan, suplay ng agrikultura, at pagpapalawak ng kalakalan.
Maliban dito, aktibo ring nakilahok ang Pilipinas sa 2026 Boao Forum for Asia (BFA), sa lalawigang Hainan, timog Tsina.
Chongqing: puhunan, pataba, at network ng negosyo
Sa pagtatagpo, Marso 26, 2026, nina Ivan Frank M. Olea, Konsul Heneral ng Pilipinas sa Chongqing, at Yang Xuchao, Pangalawang Tagapangulo ng China Council for the Promotion of International Trade (CCPIT) Chongqing Committee, iginiit ng panig Pilipino ang pangangailangang makahikayat ng mas maraming mamumuhunang Tsino sa pamamagitan ng mas malinaw na pagpapaliwanag ng sistema ng buwis at kapaligiran ng puhunan.

Ayon kay Olea, mahalaga ang planong pagpapadala sa Tsina ng eksperto sa buwis ng Pilipinas upang direktang maipaliwanag sa mga mamumuhunang Tsino ang mga potensyal, insentibo at regulasyon sa Pilipinas—isang hakbang na naglalayong bawasan ang mga alalahanin ng mga dayuhang negosyo.
Tumugon naman ang panig Tsino, at ipinahayag ang suporta sa naturang inisyatiba.
Ipinangako ni Yang na tutulong ang CCPIT sa pag-oorganisa ng mga aktibidad, kabilang ang pagbibigay ng lugar-pagdarausan at lohikal na suporta upang mas mapadali ang pagpasok ng mga mamumuhunang Tsino sa Pilipinas.
Sa usapin ng agrikultura, binigyang-diin ni Olea, ang pangangailangan ng Pilipinas para sa maaasahan at napapanahong suplay ng pataba.
Tinalakay ng dalawang panig ang posibilidad ng pagkuha ng pataba mula Chongqing, kung saan sinabi ni Yang, na may kapasidad ang lunsod na magprodyus ng ilang uri nito.
Talakayan ng panig Pilipino at Tsino
Kasabay ng pagkilala sa pangangailangan ng Pilipinas para sa matatag na mapagkukunan ng mga materyales, kagamitan, at serbisyong ginagamit sa produksyon ng agrikultura, idinagdag niyang “bukas kami sa karagdagang koordinasyon” – isang malinaw na indikasyon ng posibleng pagpapalalim ng kooperasyon ng dalawang bansa sa kadena ng suplay, sa sektor ng agrikultura.
Samantala, inilahad ng CCPIT ang isang pandaigdigang network ng mga alyansa, na binubuo ng 25 institusyong pang-negosyo mula sa 23 bansa.
Hinikayat ni Yang ang Pilipinas na sumali upang mapadali ang direktang ugnayan ng mga kompanya, kabilang ang palitan ng mga produkto at impormasyon.
Sinabi naman ni Olea, na makakatulong ang ganitong mekanismo sa pagpasok ng mga lokal na negosyo sa mas malawak na merkado sa kanlurang Tsina—isang rehiyong mabilis ang paglago ngunit hindi pa lubusang napapasok ng mga kompanyang Pilipino.
Guangzhou: agrikultura, mineral, at value-added na produksyon
Sa naunang pagtatagpo, Marso 20, 2026 sa pagitan nina Economic Officer at Konsul Stephanie Alexis Cruz ng Konsulada ng Pilipinas sa Guangzhou kasama si Vice Consul Froilan Pamintuan ng Philippine Investment and Trade Center – Guangzhou (PTIC – Guangzhou), at Pangkalahatang Kalihim Jiang Mengmin ng Canton Enterprise Import and Export Chamber of Commerce (CECOC), mas naging kongkreto ang diskusyon sa aktuwal na kalakalan, kung saan tahasang ipinahayag ng panig Tsino ang pangangailangan sa mga produktong Pilipino.
Ayon kay Jiang, interesado silang kumuha ng fish meal, produktong akuwatiko, at naprosesong prutas mula sa Pilipinas—mga produktong mahalaga sa kadena ng suplay ng pagkain sa Tsina.
Hindi lamang agrikultura ang naging sentro ng usapan.
Ipinahayag din ng panig Tsino ang interes sa mga mineral na yaman ng Pilipinas, partikular sa nickel ore at tanso – kritikal sa paggawa ng baterya para sa mga electric vehicle (EV) at sa industriya ng aluminyo at bakal.
Pagpupulong ng panig Pilipino at Tsino
Bilang tugon, binigyang-diin ni Pamintuan na nananatiling isa sa mga pangunahing iniluluwas ng Pilipinas sa Tsina ang nickel ore.
Dagdag diyan, hinikayat niya ang mga kompanyang Tsino, na mamuhunan sa mga pasilidad na pamproseso sa loob ng Pilipinas, upang mailipat ang proseso ng paglalakbay ng produkto, mula sa simpleng pagluluwas ng hilaw na materyal tungo sa mas mataas na antas ng produksyon.
Ito ay isang hakbang na makalilikha ng trabaho at dagdag na kita para sa mga Pilipino, aniya.
Sumang-ayon naman ang CECOC sa potensyal ng ganitong modelo at nagpahayag din ng interes sa pagkuha ng fish meal mula sa Pilipinas upang mapalawak ang kanilang supplier base, lalo na kung mas mura at mas mabilis ang pagbibiyahe kumpara sa kasalukuyang pinanggagalingan.
Upang maisakatuparan ito, inimbitahan ng panig Pilipino ang mga kompanyang Tsino na lumahok sa mga eksibisyong pangkalakalan at aktibidad ng business matching sa Pilipinas, kabilang ang mga oportunidad sa Philippine Economic Zones.
Bilang tugon, nangako ang panig Tsino, na magpapadala ng delegasyong pang-negosyo sa Pilipinas sa 2027.
Sa mas maagang yugto, nakikita rin nila ang posibilidad ng pagsasagawa ng business matching sa sidelines ng China-ASEAN Expo sa Nanning ngayong Setyembre 2026.
Boao Forum: mas malawak na diplomasya
Kasabay ng mga bilateral na pagtatagpo, nakilahok din ang Pilipinas sa 2026 Boao Forum for Asia (BFA) upang mas palawakin pa ang multilateral na kooperasyon sa maraming bansa, partikular sa Tsina.
Ang BFA ay ginanap ngayong taon sa lalawigang Hainan, timog Tsina mula Marso 24 hanggang 27.
Pinangunahan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang delegasyong Pilipino, at binigyang-diin niya ang papel ng Pilipinas bilang tagapagtatag na kontributor ng porum.
Hinimok ni Arroyo ang mas aktibong partisipasyon ng mga lider, inobador, at mga lider sa larangan ng ideya at pananaw, habang hinikayat ang mga kabataang negosyante na “mag-innovate nang may layunin at mamuno nang may pagpapahalaga.”
Ekonomiya bilang “pinagkakasunduang punto”
Sa kabuuan, ipinapakita ng serye ng mga pagpupulong, na sa kabila ng mga hamon sa ibang larangan, nananatiling matibay ang interes ng Pilipinas at Tsina, na palalimin ang kooperasyong pang-ekonomiya.
Mula sa suplay ng pataba at agrikultura, hanggang sa mahahalagang mineral, at daloy-pangkalakalan, malinaw, na ang ekonomiya ay nagsisilbing pangunahing “magkatugmang interes” ng dalawang bansa—isang larangang inaasahang magtutulak sa mas matatag na ugnayan sa mga susunod na taon.#