Home Business & Economics Pamumuhunan ng mga kompanyang Tsino sa Pilipinas, pinalalakas sa Jimei Investment Seminar

Pamumuhunan ng mga kompanyang Tsino sa Pilipinas, pinalalakas sa Jimei Investment Seminar

0

Sa ilalim ng layuning humikayat ng mas maraming kompanyang Tsino na mamuhunan sa Pilipinas, pinangunahan ng Konsulada Heneral ng Pilipinas sa lunsod Xiamen, katuwang ang Philippine Trade and Investment Center sa Guangzhou (PTIC-GZ) at International Cooperation Center (ICC) ng distrito ng Jimei, ang pagdaraos ng “Building Cross-border Business with Jimei,” Marso 17, sa Jimei International Cooperation Center.

Dumalo sa pagtitipon ang Alkalde ng distrito ng Jimei na si Ni Jie at Direktor ng Bureau of Commerce ng Jimei na si Xie Ming, kasama ang mga opisyal at negosyante mula sa mahigit 50 kompanyang Tsino.

Konsul Heneral Winston Dean S. Almeda

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Konsul Heneral Winston Dean S. Almeda, na ang seminar ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng Pilipinas para palalimin ang ugnayan sa Tsina, sa larangan ng kalakalan at pamumuhunan.

“Napakahalaga ng ganitong mga kaganapang pang-negosyo upang maipaliwanag sa mga potensyal na mamumuhunang Tsino ang kapaligirang pangnegosyo sa Pilipinas—mula sa mga regulasyon hanggang sa mga prosesong kritikal sa kanilang pagpapalawak sa ibayong-dagat,” ani Almeda.

District Mayor Ni Jie

Ayon naman kay Mayor Ni, ang seminar ay nagsilbing “de-kalidad na plataporma” upang maibahagi ang mahahalagang impormasyon hinggil sa mga oportunidad sa industriya, mga insentibong polisiya, at direksyong maaaring tahakin ng mga kompanyang nagnanais magpalawak sa ibang bansa—partikular sa Pilipinas.

Samantala, ibinahagi ni Froilan Emil D. Pamintuan, Bise Konsul ng PTIC-GZ, ang mga pangunahing dahilan kung bakit kaakit-akit ang Pilipinas bilang destinasyong pampamumuhunan para sa mga kompanyang Tsino.

Bise Konsul Froilan Emil D. Pamintuan

Kabilang aniya sa mga ito ang lumalagong ekonomiya, batang lakas-paggawa, at estratehikong lokasyon sa Timog-silangang Asya.

Inilatag naman ng ICC ang papel nitong ginagampanan sa pagpapadali ng internasyonal na kooperasyon, at ilang kinatawan mula sa pribadong sektor, na kinabibilangan ng Aboitiz Economic Estates, Metropolitan Bank (China) Ltd., at Xiamen Hai Tu Tuo Jie Management Consulting Co., Ltd., ang naghayag ng pagnanais na tumulong sa mga kompanyang Tsinong gustong magpalawak ng negosyo sa Pilipinas.

Vicky Wei, Tagapangulo ng Xiamen Jinbo Technology Co., Ltd.

Ibinahagi naman ni Vicky Wei, Tagapangulo ng Xiamen Jinbo Technology Co., Ltd., ang karanasan ng kanilang kompanya sa pagnenegosyo sa Pilipinas—isang konkretong halimbawa ng matagumpay na cross-border investment.

Tinatayang 83 kalahok ang dumalo sa seminar, na kumakatawan sa humigit-kumulang 50 kompanya mula sa iba’t-ibang sektor.

Ilan sa mga kalahok na representante ng mga kompanya

Ilan sa mga kalahok na representante ng mga kompanya

Ito ang ikalawang business briefing na isinagawa ng Konsulada Heneral ng Pilipinas sa Xiamen, katuwang ang PTIC-GZ ngayong taon.

Bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na makahikayat ng mas maraming pamumuhunan mula sa Tsina patungong Pilipinas, nakaplano ring magsagawa ng panibagong seminar sa Fuzhou, kabisera ng lalawigang Fujian, timog-silangang Tsina, bago matapos ang taon.#

NO COMMENTS

Exit mobile version