Namahagi ang National Housing Authority (NHA) ng kabuuang P39 milyon bilang tulong-pinansyal sa 2,853 pamilyang biktima ng Super Bagyong Nando sa Ilocos Norte at ng magnitude 6.9 na lindol sa Cebu. Isinagawa ang pamamahagi sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng ahensya.

Ayon sa NHA, ang P12.97 milyon ay napunta sa 1,226 pamilya sa unang distrito ng Ilocos Norte, samantalang ang P26.11 milyon ay naipamahagi sa 1,627 pamilya sa iba’t ibang munisipyo ng Cebu. Batay ito sa na-verify na listahan ng mga apektadong pamilya mula sa mga lokal na pamahalaan.
Sa isang pahayag, sinabi ni NHA General Manager Joeben Tai na isinasakatuparan lang nila ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang makatulong sa pagbangon ng mga biktima. “Ito po ay para makatulong kami sa inyong pagbangong muli at mabigyan ng pag-asa sa buhay,” ani Tai.
Pinangunahan ang mga seremonya ng pamamahagi sa Ilocos Norte ni Acting Regional Manager Engr. Jefferson F. Ganado, at sa Cebu ni Regional Manager Engr. Hermes Jude D. Juntilo. Dumalo rin ang mga lokal na opisyal kabilang sina Ilocos Norte First District Representative Cong. Alexander “Sandro” Marcos at Cebu Fourth District Representative Cong. Sun J. Shimura.
Naipamahagi ang tulong noong Oktubre 16 at 20, 2025 sa 12 bayan at lungsod sa unang distrito. Dumalo rin sa isang pamamahagi si Ilocos Norte Governor Cecilia Araneta-Marcos. Ang pamamahagi ay isinagawa sa koordinasyon at sa kahilingan ni Cong. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos.
Kabilang sa mga benepisyaryo sa Cebu ang 1,085 pamilya mula sa San Remigio, 416 pamilya sa Daanbantayan, at 126 pamilya sa Sogod. Ang mga tahanan ng mga ito ay lubos o bahagyang nasira ng lindol.
Tinamaan ng Super Bagyong Nando ang Ilocos Norte noong Setyembre 2025, habang ang malakas na lindol naman ay yumanig sa Cebu noong Setyembre 30, 2025. Ang mga kalamidadang ito ay nagdulot ng malawakang pinsala sa mga tahanan, imprastraktura, at kabuhayan, at nagtulak sa libu-libo na lumikas.
Ang EHAP ay isang pangmatagalang programa ng NHA na naglalayong magbigay ng agarang tulong-pinansyal sa mga pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa mga kalamidad.#