Home Feature PBBM, NHA Magkaloob ng Mga Sertipiko sa Benepisyaryo ng Pabahay sa National...

PBBM, NHA Magkaloob ng Mga Sertipiko sa Benepisyaryo ng Pabahay sa National Housing Expo 2025

0

Sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., limang pamilya ang nakatanggap ng mga Certipiko ng Award bilang benepisyaryo ng pabahay sa pagbubukas ng dalawang-araw na National Housing Expo 2025 sa World Trade Center nitong Huwebes, Oktubre 23, 2025.

Kasama ang Pangulo sa seremonya si National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben Tai, na siyang namahagi ng mga sertipiko. Ang ekspo, na dinaluhan ng mga pangunahing ahensya ng pabahay o Key Shelter Agencies (KSAs), ay naglalayong ipakita at gawing mas abot-kamay ang mga programa ng gobyerno para sa pabahay.

Bukod sa pag-award, nagtayo ang NHA ng isang mini-exhibit at information booth na nagtatampok ng mga scale model at larawan ng kanilang mga panukala at kasalukuyang housing project. Dito rin maaaring mag-avail ng libreng legal assistance para sa mga usapin sa pabahay.

Ang ekspo, na may temang “Build Homes, Build Happiness,” ay kumakatawan sa layunin ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (Expanded 4PH), ang flagship housing program ni Pangulong Marcos. Layon nitong ipakita kung paano nagdudulot ng pagbabago sa buhay ang de-kalidad at abot-kayang tirahan.

Kabilang sa mga dumalo sa okasyon sina DHSUD Secretary Jose Ramon “Ping” Aliling, Pag-IBIG Fund CEO Marilene Acosta, SHFC President Federico Laxa, NHMFC President Renato Tobias, at HSAC Executive Commissioner Atty. Maria Victoria Reyes-Beltran.

Inanyayahan ni NHA GM Tai ang mga empleyado at publiko na samantalahin ang ekspo. “Ang National Housing Expo 2025 ay nagbigay-daan sa mga KSAs na makipagsanib-puwersa sa pribadong sektor upang tugunan ang lumalaking backlog sa pabahay at magkaroon ng mga housing opportunities para sa mamamayang Pilipino,” pahayag ni Tai.

Ang pagdaraos ng expo at ang Expanded 4PH Program ay bahagi ng mas pinalakas na hakbang ng administrasyon para matugunan ang housing backlog ng bansa. Naglalayon itong magpatayo ng milyun-milyong pabahay sa tulong ng mga partner mula sa pribadong sektor at mga government financial institutions.

Ang National Housing Expo 2025 ay bukas sa publiko sa World Trade Center hanggang Biyernes, Oktubre 24, para sa mga nais kumuha ng impormasyon at mag-apply sa mga housing program ng gobyerno.#

NO COMMENTS

Exit mobile version