Bilang agarang tulong sa mga nasalanta ng malalakas na lindol, inanunsyo ng Social Security System (SSS) ngayong araw, Oktubre 16, ang pag-activate ng Calamity Loan Program (CLP) para sa mga miyembro nito sa Davao Oriental.
Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Robert Joseph Montes De Claro, layunin ng programang ito na makapagbigay ng napapanahong suportang pinansyal sa mga miyembrong naninirahan o nagtatrabaho sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng dalawang malakas na lindol noong nakaraang linggo.
Ang paglulunsad ng CLP ay sumunod sa deklarasyon ng State of Calamity sa lahat ng 11 lungsod at munisipyo ng Davao Oriental ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
“Lubos kaming nakikiramay sa mga miyembro natin sa Davao Oriental. Nauunawaan namin ang mga pagsubok na kanilang hinaharap pagkatapos ng lindol at narito ang SSS para magbigay ng agarang tulong upang sila’y makabangon mula sa kalamidad na ito,” pahayag ni De Claro.
Mga Benepisyo at Kondisyon ng Pautang
Maaaring makahiram ng hanggang P20,000 ang mga kwalipikadong miyembro sa isang mababang interes na 7% kada taon. Ang aplikasyon ay maaaring gawin online sa pamamagitan ng My.SSS account, at ang maa-aprobahang halaga ay diretso nang ipapasok sa nakarehistrong bank account ng miyembro.
Upang maging kwalipikado, dapat ay:
- Naninirahan o nagtatrabaho sa lugar na idineklarang under State of Calamity.
- Mayroong hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon, kung saan anim (6) dito ay naipost sa loob ng huling 12 buwan bago mag-apply.
- May aktibong My.SSS account.
- Walang past due o hindi pa nababayarang mga pautang sa SSS.
- Hindi pa napagkalooban ng anumang final SSS benefit (hal. retirement, total disability).
- Nasasakop ang edad: legal na edad (18) hanggang 64 taong gulang sa pag-apply.
- Hindi nadi-diskwalipika dahil sa pandaraya sa SSS.
Pinapaalalahanan din ang mga empleyado na dapat ay updated ang remittance ng kanilang employer sa SSS para makapag-avail.
Pinalawak na Tulong para sa Lahat ng Miyembro
Binigyang-diin din ni De Claro na bukod sa CLP, mayroon ding ibang mga programa ang SSS na maaaring makatulong sa mga miyembro.
“Nais naming ipaalala sa ating mga miyembro ang aming Pinahusay na Pension Loan Program (PLP). Sa ilalim nito, maaari nang humiram ang mga retirement pensioner ng hanggang P300,000, at maging ang mga survivor pensioner ay maaari na ring umavail ng hanggang P150,000,” dagdag ni De Claro.
Ibig sabihin, mayroong loan facility para sa aktibong miyembro at para sa mga pensiyonado.
Kalagayan sa Davao Oriental
Naganap ang mga lindol noong Oktubre 10, na may lakas na 7.4 magnitude bandang 9:43 ng umaga at isa pang 6.8 magnitude bandang 9:12 ng gabi. Ang epicenter ay malapit sa bayan ng Manay, Davao Oriental. Ayon sa NDRRMC, mahigit 200,000 pamilya ang naapektuhan at halos 13,000 katao ang pansamantalang lumikas sa kanilang mga tahanan.
Ang binagong patakaran ng Calamity Loan Program ng SSS, na inilabas ngayong taon, ay nagbibigay-daan sa mas mabilis na pag-activate sa loob ng pitong araw pagkatapos ideklara ang isang kalamidad. Ang mas mababang 7% interest rate para sa mga miyembrong may magandang credit record, mula sa dating 10%, ay bahagi ng mga pagbabagong ito upang mas mapabilis at mapadali ang pagtulong sa mga nasalanta ng sakuna.
Nanatili ang panawagan ng SSS sa publiko na mag-ingat at maging handa sa anumang sakuna.#
