Pinalakas ng Manila Water ang mga tungkulin nito sa pangangalaga ng kalikasan at pamamahala ng tubig sa pamamagitan ng kanilang in-update na Sustainability Policy, na magkakabisa simula Agosto 1, 2025. Ayon sa kompanya, layunin ng patakaran na mas pangalagaan ang likas na yaman, paigtingin ang transparency, at palakasin ang pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at komunidad.

Binibigyang-diin sa bagong patakaran ang pagbabawas ng polusyon sa tubig, pagpapahusay sa kahusayan ng paggamit ng tubig, at pagpapalawak ng access sa malinis na tubig, sanitasyon, at serbisyong pangkalinisan o WASH (Water, Sanitation, and Hygiene). Kabilang dito ang mga inisyatibong huhikayat sa mga mamimili na gamitin ang tubig nang responsable.

Ayon kay Sustainability Director Sarah Bergado ng Manila Water, “Pinatitibay ng patakarang ito ang aming pangako sa sustainability sa pamamagitan ng pagsunod sa United Nations Sustainable Development Goals, lalo na ang SDG 6 para sa Malinis na Tubig at Sanitasyon. Dito namin ipinakikita ang aming mas malalim na pangako sa responsableng pamamahala at proteksyon ng kalikasan.”
Nakabatay ang updated na patakaran sa tatlong pangunahing haligi:
- Pagpapaunlad ng Komunidad: Paghahatid ng malinis at potable na tubig, sanitasyon, at serbisyong pang-alkantarilya sa abot-kayang presyo, kasabay ng pagsuporta sa mga programa sa edukasyon at kabuhayan.
- Pangangalaga sa Kalikasan: Konserbasyon ng mga likas na yaman, pamamahala ng watershed, pagbabawas ng polusyon, at pagpapalawak ng coverage ng wastewater treatment para labanan ang pagbabago ng klima at pagkawala ng biodiversity.
- Pagbuo ng Kulturang Mapagkakatiwalaan: Pagpapatibay ng integridad sa korporasyon, paggalang sa karapatan ng empleyado, at pakikipag-ugnayan sa mga stakeholder.
Sinusuportahan ang mga hakbang na ito ng mga konkretong programa sa kahusayan ng mga pinagkukunan, proteksyon ng watershed, at pagpapalawak ng mga pasilidad ng pagtatrato ng wastewater. Ang mga ito ay bahagi ng pangmatagalang layunin ng kompanya para masiguro ang seguridad sa tubig at kalusugan ng kapaligiran sa mga lugar na kanilang pinagsisilbihan.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang: Policies | Manila Water Company, Inc.#



