Patuloy na pinaigting ng Manila Water ang pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan ng mga sewer line sa buong East Zone concession area nito, bilang bahagi ng pangako nito sa pangangalaga ng kalikasan at kalusugan ng publiko.
Nitong Hulyo lamang ng 2025, nakapaglinis at nakapagpanatili ang kumpanya ng 13.68 kilometro ng mga sewer lines. Umabot na sa kabuuang 163.4 kilometro ang na-maintain na linya mula Enero hanggang Hulyo ng taong ito, na isang malaking ambag sa pagpapanatili ng kanilang buong 486.59-kilometro na sewer network.
Ang mga pagsisikap na ito ay nagpapakita ng patuloy na dedikasyon ng Manila Water para masiguro ang maayos na daloy ng wastewater at mabawasan ang panganib ng pag-apaw at kontaminasyon sa kapaligiran.
Agarang naaksyunan at naresolba rin ng kumpanya ang pitong (7) bara sa mga pangunahing sewer line at 65 pang bara sa mga koneksyon ng mga kabahayan noong nakaraang buwan. Ipinakita nito ang kahusayan at bilis ng kanilang pagtugon sa pagpapanatili ng kanilang imprastraktura.
Ayon sa ulat, noong Hulyo 2025, umaabot na sa 311,986 ang mga koneksyon na naisaserbisyuhan ng Manila Water, kabilang na ang iba’t ibang sistema at mga pribadong sewage treatment plant (STP). Malinaw na makikita rito ang patuloy na pagpapalawak at pag-aayos ng kanilang sewer network upang matugunan ang lumalaking pangangailangan at mga regulasyon.
“Ang mga gawaing pang-maintenance na ito ay napakahalaga upang masiguro ang maaasahang operasyon ng aming mga sewer system at maprotektahan ang mga komunidad mula sa mga panganib sa kalusugan. Nananatiling nakatuon ang Manila Water sa paghahatid ng de-kalidad na serbisyo sa sanitasyon at pagsuporta sa sustainable urban development,” pahayag ni Jeric Sevilla, Communication Affairs Group Director ng Manila Water.
Kaakibat ng kanilang pagsisikap sa sewer maintenance, nagsasagawa rin ang kumpanya ng desludging o paglilinis ng poso negro, kung saan mahigit 13,152 septic tank ang nalinisan noong Hulyo, na nakinabang sa higit 10,000 na mga sambahahan.
Sa kabuuan, ang mga nagawa ng Manila Water sa larangan ng sewer maintenance at sanitasyon ay nagpapatunay sa kanilang mahalagang papel bilang katuwang ng publiko sa pagsusulong ng kalusugan at pangangalaga ng kapaligiran sa Metro Manila at Rizal.#



