Nanawagan ang Caucus of Development NGO Networks (CODE-NGO), ang pinakamalaking samahan ng mga non-government organizations (NGOs), people’s organizations (POs), at kooperatiba sa bansa, sa Kongreso na buksan sa publiko ang bicameral deliberations kaugnay ng pambansang badyet para sa 2025. Ayon sa grupo, mahalaga ang bukas at makabuluhang pakikilahok ng mamamayan upang masiguro ang pagiging tapat, malinaw, at makatao ng proseso ng pag-apruba ng badyet.
Bagama’t nangunguna ang Pilipinas sa Asya at ika-15 sa buong mundo pagdating sa budget transparency batay sa 2023 Open Budget Survey, nalalagay umano sa alanganin ang reputasyon ng bansa sa harap ng mga kontrobersyal na pagbawas ng pondo sa mga mahahalagang serbisyong panlipunan.
Isa sa mga nababahala ang CODE-NGO sa pagbawas ng pondo para sa mga programang may direktang epekto sa mahihirap tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at subsidiya sa PhilHealth. Bukod dito, binawasan din ang pondo para sa kalusugan, edukasyon, agrikultura, pabahay, at railway projects — lahat sa panahong papalapit ang halalan para sa Mayo 2025 Midterm Elections, Oktubre 2025 Bangsamoro Parliamentary Elections, at Disyembre 2025 Barangay at SK Elections.
Samantala, nananatili umano ang mahigit ₱288 bilyon na tinatawag na “pork barrel” sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), bukod pa sa mga tinaguriang “pork-like insertions” sa mga programang pang-impraestruktura at ayuda tulad ng AICS, AKAP, MAIFIP, at TUPAD. Nanatili rin ang mga confidential funds, na matagal nang kinukwestyon dahil sa posibilidad ng pag-abuso at paggamit sa pulitika.
Kasabay nito, sumusuporta sa panawagang pagbubukas ng bicameral sessions ang ilang mambabatas at sektor. Kabilang sa mga nagpahayag ng suporta sina Speaker Martin Romualdez, Rep. Marcelino Libanan (4Ps), Rep. Antonio Tinio (ACT Teachers), at mga Senador na sina Risa Hontiveros, Ping Lacson, Tito Sotto, at Jinggoy Estrada. Pinaalalahanan din nina Senador Imee Marcos, Joel Villanueva, at Senate Secretary Renato Bantug Jr. ang kahalagahan ng transparency sa pambansang badyet.
Ayon sa CODE-NGO, “Ang badyet ng gobyerno ay badyet ng taumbayan. Mula ito sa pawis at talino ng mamamayang Pilipino. Kaya’t nararapat lamang na ilaan ito sa mga programang tunay na kailangan ng sambayanan.”
Hinimok din ng grupo ang Kongreso na agad na isapubliko ang mga dokumentong may kinalaman sa badyet, i-livestream ang bicameral meetings, ilathala ang mga transcript sa tamang panahon, at magtakda ng mekanismo para sa partisipasyon ng mamamayan.
Dagdag pa ng CODE-NGO, dapat ding sundin ng Kongreso ang rekomendasyon ng Development Budget Coordinating Committee (DBCC) na ituon ang mga susunod na badyet (2026–2028) sa pagpapalakas ng human capital at pagbabawas ng kahirapan — hindi sa sistemang nagpapalakas ng patronage at korapsyon.
Sa huli, sinabi ng CODE-NGO na kung gagawing bukas ang deliberasyon, dapat maging aktibo rin ang civil society at mamamayan sa pagbabantay at paniningil ng pananagutan sa pamahalaan. “Hindi lang tayo dapat maging saksi—dapat nating tiyaking ang pambansang badyet ay tunay na para at mula sa taumbayan.”#