Muling pinagtibay ng Philippine School of Interior Design-Ahlen (PSID-Ahlen) ang kanilang paninindigan na hubugin ang mga kabataang malikhaing propesyonal na makasabay sa mundo ngunit may matibay na pagkakakilanlan sa sariling kultura.
Sa pagdiriwang ng National Culture Consciousness Week, ipinagmamalaki ng PSID-Ahlen ang kanilang layuning itaguyod ang culturally conscious interior design. Mula nang itinatag ito noong 1967, kilala na ang paaralan sa pagpapalawak ng pananaw ng mga estudyante sa pagdidisenyo na nakaugat sa kamalayan sa kultura at inobasyon.
“Naniniwala ang PSID na ang pagbuo ng sariling estilo sa disenyo ay nagsisimula sa pagkilala at paggamit ng kultura bilang sentro ng disenyo,” ani Pojie Pambid, Pangalawang Pangulo para sa Academic Affairs ng PSID-Ahlen. “Ang pagkakaroon ng kamalayan sa kultural na pagkakakilanlan ay nagtutulak sa mga batang designer na linangin ang kanilang sariling tatak na nakabaon sa kanilang kasaysayan at pamana.”
Sa patuloy na pagyakap ng pandaigdigang industriya ng disenyo sa mas inklusibo at makakulturang pamamaraan ng paglikha. Sa kanilang kurikulum, tinatrato ang mga temang kultural hindi lang bilang mga paksa kundi bilang mga hamon sa disenyo. Bawat proyekto ay nagsisilbing oportunidad upang magsaliksik at tuklasin ang pagkakatulad at pagkakaiba ng iba’t ibang kultura. Ang mga ‘output’ ay nagiging pagsasanib ng lokal at pandaigdigang konsepto—isang “glocal” na disenyong tunay na makabago.
“Laging may twist ang PSID pagdating sa mga design problems,” ani Pambid. “Ang mga design class ay laging may mga hamong pumipilit sa estudyante na mag-isip sa labas ng karaniwan. Isang patakaran ay ang pagsanib ng dalawang magkaibang istilo sa iisang disenyo.”

Hindi lang ito nananatili sa loob ng klase. Sa mga studio project at exhibit, patuloy na hinihikayat ang mga estudyante na gumamit ng disenyo bilang midyum sa pagsasalaysay, pagbibigay-halaga, at ebolusyon ng kultura. Sa mga nagdaang taon, nailunsad ng mga estudyante ng PSID ang mga eksibit na nagpapakita ng kahusayan sa malikhaing interpretasyon ng kultura at inobasyon sa materyales at espasyo.
Kabilang sa mga naging tampok na proyekto ay ang “OPM: Obra Para sa Musika” noong 2013, na nagpakita ng mga disenyong inspirasyon ng awiting Pilipino; ang “GLOBALSCAPES” noong 2014, na nagpapakita ng mga booth design mula sa iba’t ibang bansa; at ang pinakahuli noong 2023, ang “PHusion”, isang eksibit na nagpapakita ng 12 kultura na isinama sa disenyong Pilipino.
Ngayong taon, handa na muli ang PSID-Ahlen na ipakita ang kanilang adhikain sa nalalapit na Designs Of Christmas Exhibit (D.O.C.E.), isang makulay na eksibisyon na magpapakita ng diwa ng Pasko mula sa perspektibo ng iba’t ibang kultura—lokal man o pandaigdig—sa pamamagitan ng malikhaing disenyo at temang makakultura.
Sa patuloy na pag-unlad ng larangan ng interior design, nananatiling ilaw ang PSID-Ahlen sa paghubog ng mga disenyong hindi lang maganda sa paningin, kundi may malalim na saysay at koneksyon sa ating pagkakakilanlan bilang Pilipino.#