Muli na namang umarangkada sa pagtulong ng pagtatanim ng puno ang Puno Sagip Buhay team sa Mt. Arayat National Park na pinangunahan ng SMNI.
Isa ang grupo ng mag-asawang Patrick at Dra. Elinor Tee Roquel sa mga sumuporta sa SMNI upang magtanim ng puno sa nabanggit na lugar kabilang ang volunteers mula sa iba’t ibang samahan. Isinagawa ito ng SMNI bilang pakikiisa sa taunanng World Environment Day.
Ang World Environment Day ay isinasagawa tuwing ika-5 ng Hunyo taon-taon na sinimulan noong taong 1973 na pinangunahan ng United Nations Environment Programme (UNEP).
Ang World Environment Day ay ang pinakamalaking pandaigdigang araw para sa kapaligiran na nilahukan ng maraming bansa sa buong mundo na layuning pataasin ang kamalayan upang pangalagaan at protektahan ang planeta.
Bilang bahagi ng nasabing pandaigdigang aktibidad ay pinangunahan ng SMNI ang tree planting activity at eco tour sa Mt. Arayat National Park sa Pampanga na may temang “Sa bawat puno may buhay at kabuhayan.”
Maliban sa forest at fruit beating trees, nagtanim din ang mahigit 500 volunteers ng lagundi plant na makatutulong sa kalusugan at kabuhayan ng mga mangangalaga ng puno.
Ang Puno Sagip Buhay na isang Corporate Social Responsibility o programa ng ng mga kumpanyang pag-aari ng mag-asawang Roquel. Isinusulong nito ang pagtatanim ng mga halamang gamot para makatulong sa kalusugan at kabuhayan ng Pilipino.
Sa pamamagitan ng Puno Sagip Buhay: I Plant, I Share, I Save Communities Program ay maraming komunidad sa bansa ang kanilang natutulungan. Nagbibigay ng mga lagundi seedlings at iba pang mga halamang gamot sa mga komunidad na malayo sa kabihasnan.
Isa na ang Dinagat Tribe sa Antipolo ang nabiyayaan ng kanilang programa. Mula sa pagtatanim ng lagundi, pagdating ng tamang panahon ng pag-ani ay kanilang binibili at ginagawang gamot upang makatulong sa mga may suliranin sa baga, mahirap na paghinga at panlaban sa virus tulad ng CoViD-19.
Nasa 1,000 puno ng lagundi ang naibigay sa Dinagat Tribe sa Antipolo dahil nakita nila ang pangangailangang medikal at kawalan ng doktor sa nabanggit na lugar.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagtatanim ng lagundi at iba pang halamang gamot ng mag-asawang Roquel kasabay din ang pagsasagawa ng Research and Development ng mga de kalidad na mga produkto sa tulong ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan at pribadong sektor.#