MALA-“Lola Basyang” ang ginagawa ng Philippine Ohanashi Caravan ngayon sa maraming barangay sa Metro Manila. Ang nasabing Gawain ay pinangungunahan ng Women’s Federation for World Peace Philippines na nagmula pa sa Bansang Hapon. Layunin nitong tulungan ang mga batang kalye, mahihirap, out-of-school youth upang maituro ang tamang kaisipan, kalinisan, at magandang asal. Gamit ang iba’t-ibang librong pambata na nasa wikang ingles ay tinuturuan din silang magbasa at maunawaan ang aral na inihahatid ng librong pambata.
Ang “story-telling” ay una nang ginawa sa Japan maraming dekada na ang nakaraan, una itong isinagawa ni Yoshiko Hamashima, ang Founder ng Tendo Ohanashi Caravan.
Sa karanasan nina Ayako Malicdem at ang mag-inang Caserial naging mabisang paraan ang pagkukuwento sa mga batang mahihirap na kapos sa pagkain, kaalaman at pagmamahal dahil Nakita nilang dahan-dahan ay nababago nito ang ugali ng mga bata patungo sa paggawa ng kabutihan, na magiging daan upang matututong magbasa at makaunawa.
Kung ang mga batang natututo magbasa at nagkakaroon ng mabuting asal, ang mga batang na huhubog ng susunod henerasyon ay magpapalaganap ng kapayapaan hindi lamang sa bansang Japan at Pilipinas kundi sa buong mundo, pagtatapos ni Ayako Malicdem, Project Director ng Philippine Ohanashi Caravan.
Sa pamamagitan ng may akda ng Lina’s Town Rises Again na si Charina Garrido-Ocampo, Monsanto Corporate Communications Lead, ay nagkalooban naman ng librong pambata at gamit pang-eskuwela sa Philippine Ohanashi Caravan.
Ayon kay Yolanda Caserial, Coordinator ng Family Federation for World Peace, napakahalaga ng librong pambata na binigay ng Monsanto Philippines dahil ito ang kauna-unahang librong magagamit nila na akda ng isang Pilipino bukod pa sa ang nasabing kuwento ay hango sa tunay na buhay ng isang magsasaka sa Mindanao na umangat ang buhay matapos ang isang kalamidad sa kanilang lugar sa Sultan Kudarat dahil sa BT corn seed na itinanim nito. Ang lahat umano ng librong kasalukuyan nilang ginagamit sa pagsasalaysay ay isang kathang-isip subalit pawang nagbibigay-aral sa mga batang kanilang tinuturuan.
Nagpahayag naman ang Monsanto Philippines ng pagtulong sa nasabing samahan upang palaganapin ang kabutihan ng siyensya sa agrikultura upang makamtan ang sapat na pagkain at mapaunlad ang pamumuhay lalo na ng mga magsasaka sa bansa. Dagdag ni Gng. Chat Ocampo, ang Lina’s Town Rises Again ay hindi lamang isang kuwento ng isang pamilyang magsasaka sa Mindanao na nakaahon sa hirap dulot ng bagyo dahil sa nasirang pananim kundi ang aral ng pananalig sa Diyos, pagtulong sa kapwa, pagtitiis at pagpupunyagi sa buhay. Naniniwala rin si Ocampo, isang Journalism Cum Laude sa Yunibersidad ng Pilipinas-Diliman na ang “Story-telling” ay isang napakabisang paraan upang magbigay gabay at maitaas ang antas ng kaalaman ng mga kabataan kaya naniniwala sya na mapagtatagumpayan ng Philippine Ohanashi Caravan ang kanilang mga layunin at misyon sa Pilipinas. (Cathy Cruz)