IPINAG-UTOS ni Quezon City Mayor Herbert Bautista na higpitan ang seguridad sa city hall compound dahil sa bantang pasasabugan ito ng bomba.
Ang paghihigpit ay isinagawa matapos makatanggap ang ilang opisina ng gobyerno sa city hall ng bomb threat kaninang umaga matapos magbukas ang mga tanggapan bandang 8:00.
Kabilang sa mga opisinang nakatanggap ng bomb threat sa telepono ay ang local city office ng Department of the Interior and Local Government, Registry of Deeds at and Civil Registry ng QC.
Kaagad na siniyasat ng QC Police bomb squad ang mga naturang opisina upang siguruhing ligtas sa anumang banta ng pagsabog sa kani-kanilang gusali. Isinama na ring siyasatin na ligtas sa bomb threat ang ilang opisina sa city hall compound.
Bagama’t walang nakitang bomba sa mga opisinang nakatanggap ng bomb threat, iniutos pa rin ni Mayor Bautista sa QCPD City Hall Detachment, Department of Public Order and Safety (DPOS) at Civilian Security Unit na higpitan ang seguridad sa city hall. # (ARES P. GUTIERREZ, Chief, PAISO)