HINIHIKAYAT ng Quezon City government ang bawat motorist at mananakay na makibahagi sa sistema ng “carpooling” upang maibsan ang problema sa trapiko sa Metro Manila.
Ayon kay City Administrator Aldrin Cuña, mayroong mga kalsada na sa ngayon ay pinalalaki at inaayos ng QC government ngunit hindi ito sasapat upang solusyunan ang malaking problema sa trapiko.
Sinabi ni Cuña na isa ang carpooling sa posibleng solusyon upang maibsan ang siksikan sa kalsada dahil sa dami ng bilang ng sasakyan sa daan.
Naniniwala rin ang city administrator na ang pagkakaroon ng disiplina ang unang sagot sa problemang kinakaharap ng bansa sa trapiko.
“Isa lang naman ang ipinapakiusap ng pamahalaan sa ngayon – ang disiplina sa lansangan para maayos ang daloy ng trapiko. Disiplina lang naman ang kailangan ngating bansa para maayos tayo,” he added.
Sinabi rin ni Cuña na maaring maging daan sa paglago ng ekonomiya ng QC at pagdami ng negosyanteng papasok sa lungsod ang pagkakaroon ng maayos na trapiko.
Una dito, nagpatupad ng night shift duty para sa mga traffic enforcer ang Department of Public Order and Safety (DPOS) upang tumulong sa MMDA constables at tropa ng PNP Highway Patrol sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko.
Pinaigting na rin ng DPOS ang pagpapatupad ng patakarang di-pagbibigay ng permiso sa burol, karaoke session at livelihood activities sa secondary roads upang hindi pansamantang maisara ang mga ito. # (ARES P. GUTIERREZ, Chief, PAISO)