Muling sinuportahan ng Manila Water, ang silangangang konsesyunaryo ng tubig at alkantarilya, ang programang Oplan Balik-Eskwela ng Department of Education (DepEd) bilang paghahanda ng ahensiya sa pagbubukas ng klase ngayong unang araw ng Hunyo.
Bilang aktibong kabalikat ng Oplan Balik Eskwela, patuloy na isinasagawa ng Manila Water ang proyektong “Lingap Eskwela” na layong makapagbigay ng malinis, ligtas at maiinom na tubig sa pamamagitan ng paglalagay ng mga drinking fountains at wash areas pati na rin ang serbisyong sanitasyon sa mga eskwelahan sa silangang konsesyunaryo.
Binigyang-diin ni Manila Water Customer Stakeholder Manager Prevelyn Gazmen ang layunin ng kumpanyang siguruhing makapagbigay ng maayos na serbisyong patubig at nagamit na tubig sa pagbubukas ng klase ngayong Hunyo. Ani Gazmen, umabot na sa 265 ang naisakatuparan ng Manila Water na proyektong Lingap Eskwela sa buong nasasakupan nito.
Bukod pa dito, tumulong rin ang Manila Water sa pagkukumpuni ng mga silid-aralan sa mga paaralan at sinigurong maayos ang lahat ng proyektong isinasagawa katulad ng excavation at pipelaying activities na malapit sa eskwelahan upang siguruhin ang kaligtasan ng mga mag-aaral at upang hindi ito makasagabal sa daloy ng trapiko sa lugar.
Ang Manila Water ay pribadong konsesyunaryo ng MWSS at nagseserbisyo sa silangang bahagi ng Kalakhang Maynila pati na rin ang lalawigan ng Rizal.
Posted by: Freda Migano