WALO na namang kabataan na anak ng mga miyembro ng DAR Emloyees Foundation Inc. (DAREFI) ang muling nabiyayaan ng tulong pinansiyal bilang iskolar ng nasabing foundation sa pagbubukas ng klase ngayong taong 2011.
Ang mga kabataan na tumanggap ng Scholarship program mula sa DAREFI ay sina Donabelle Gadgad, (DAR-Benguet); Roxette Anne Mananes, (DAR-Tarlac); Charlene Babra, (DAR-Laguna); Ysmael Candelario, (DAR-Occidental Mindoro); Evanne Dominique Araojo, (DAR-Catanduanes); Vic Steven Muyalde, (DAR-Bohol); Rez Angeli Pugoy, (DAR-South Bukidnon) at Klivonne John Santoyo, (DAR-Misamis Oriental)
Pinangunahan ni DAREFI President at Chairman Violeta “Ying” M. Bonilla ang pagbibigay ng Cash Checks sa mga napiling iskolar na nagkakahalaga ng sampung libong piso(10,000) bilang paunang tulong pinansiyal para sa pambili ng gamit sa pag-aaral, uniporme, at iba pang kakailanganin sa pagsisimula ng klase at pagpapa-enroll sa mga paaralan na nais nilang pasukan. Ang nasabing seremonya ay sinaksihan ng mga magulang at ng DAREFI Board of Trustees na ginanap kamakailan.
Ang bawat iskolar ng DARE Foundation, Inc. ay tumanggap ng inisyal na P10,000.00 sa kabuuang P 20,000.00 hanggang P 40,000.00 para sa isang buong taon na pag-aaral. Ang susunod na halaga ay nakabase sa sisingilin ng paaralan sa anumang apat (4) na taong kurso na nais kunin ng bawat estudyante, ang DAREFI na mismo ang magbibigay ng kabuuang bayad sa sa kanilang pinasukang unibersidad.
Ayon kay Bb. Bonilla sakaling hindi makapagtapos ang estudyante sa apat (4) na taong kurso, ma-oobliga umano ang mga magulang nito na ibalik ang perang ipinagkaloob sa kanila ng DAREFI at kung sakaling lumampas naman ng 4 na taon, ang mga magulang na ang gagastos sa kanilang pag-aaral hanggang sa makatapos. Ito aniya ay upang masiguro na pahahalagahan ng bawat estudyante at magulang ang ipinagkaloob nilang tulong pinansyal para matiyak na sila ay makakapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo.
Una nang ginawa ng DAREFI ang pag bibigay ng tulong pinansiyal sa mga napiling maging iskolar noong nakaraang taon bago magpasukan at sa ngayon nga ang pangalawang taon na kung saan 8 iskolar ang makapag-aaral ng libre.
Sinabi pa ni Bb. Bonilla na hindi lamang ito ang programa na ipinagkakaloob ng DAREFI sa mga kawani ng pamahalaan lalo sa mga empleyado ng DAR, na ang layunin ay maihanda ang mga kasamahan at pamilya nito sa pagtatapos ng programang agraryo sa 2014. RAFFY RICO