Sinimulan na ng Quezon City government ang paglilipat ng mga informal settlers.
Kabilang sa mga unang inilipat ng tirahan ang mga informal settlers mula sa Kalye 6 at 7 sa Barangay Mariana.
Umupa na ng shuttle bus ang local na pamahalaan, sa utos ni Mayor Herbert Bautista, para ilipat sila sa housing project ng National Housing Authority (NHA) sa Southville 8, barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal.
Bilang dagdag na tulong, siniguro ni Mayor na sasagutin ng pamahalaan ng QC ang bayad sa sub-electric meters na tinatayang P1,000 per family connection.
Sinisikap ni Bautista na maging magkakatabi ng tirahan ang mga magkakapitbahay sa lilipatan nilang lugar upang hindi naman sila manibago.
Tinatayang nasa 1,500 mahihirap na pamilya, lalo na yaong naninirahan sa mga sinasabing danger zones at high risk areas, ang maililipat bago magsimula ang pasukan sa Hunyo.
Ang mga naninirahan sa sidewalks at road right-of-way sa Barangay Santol, South Triangle at Central, kabilang na sa mga daang tubig sa Barangay Damayang Lagi at Tatalon ang unang inalok sa relocation program ng pamahalaan ng QC.
Maging ang mga mahihirap na pamilya sa may BIR Road na nasunugan kamakailan ay inalok din ng relocation slots sa NHA resettlement project.
Bago ang pagpapatupad ng mass relocation program ng Quezon City, nagsagawa ng dialogue ang socialized housing task force na pinamumunuan ni Secretary to the mayor Tadeo Palma sa may 142 barangay ng siyudad upang masigurong magiging maayos ang clearing operations.
Kabilang sa mga inimbitahan sa isinagawang consultative meeting ay ang mga kinatawan ng Simbahan para masolusyunan ang socialized housing program ng lungsod.
“The problem of poverty and informal settlers in Quezon City is huge. But, we can help make this challenge manageable through the pathways of collaboration and teamwork among ourselves,” ani Bautista.
Ayon kay Ramon Asprer, hepe ng QC urban poor affairs office, nasa 28,731 ang informal settler families na naninirahan sa mga danger areas sa QC. -30- Divine/ Maureen Quinones, PAISO