Maglulunsad ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng pangalawang proyekto sa urban vegetable farming na tinatawag na “Buhay sa Gulay” project, sa Enero 8, 2021, sa pitong (7) ektaryang lupain sa Bagong Silangan, Quezon City upang ipamulat ang kahalagahan ng pagsasaka sa kalunsuran at matulungan ang mga mahihirap na komunidad na mabawasan ang kahirapan, kagutuman at makatulong sa seguridad sa pagkain.
Ayon kay DAR Secretary Brother John Castriciones ang proyektong urban farming ay hindi dole-out dahil ito ay isang self-help start-up livelihood project kung saan ang mga kasangkot na mga ahensiya ng pamahalaan at organisasyon ay nagsasama-sama, nagbabahagi ng mga kinakailangan gamit at nag-alok ng mga oportunidad upang mabigyang kakayahan ang mga residente sa kalunsuran na makapagtanim ng kanilang mga makakain at mabigyan sila ng mapagkakakitaan.
Ang DAR at Department of Agriculture ay naki-anib sa lokal na pamahalaan ng Quezon City, Technical Education and Skills Development Authority, Bread Society International, Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBOs) ng DAR at mga residente ng Barangay Bagong Silangan upang mapaunlad ang 7-ektaryang lupain para maging sentro ng produksyon ng gulay ang Quezon City.
Ani Brother John, ang natantya ng DAR na ang taunang produksyon ng gulay kada ektarya ay makapagpapabunga ng may 765 metrikong toneladang gulay gaya ng: 29.7 MT talong; 0.7 MT sitao; 350 MT pechay; 280 MT mustasa; 25 MT squash; 80 okra; at 20 MT ampalaya.
“Ang proyektong ito ay malaking tulong sa mga residente ng Quezon City upang mabigyan sila ng alternatibong mapagkakakitaan at murang mapagkukunan ng gulay,” ani Brother John.
Para sa ikauunlad ng proyektong ito, ipinaliwanag ng DAR chief na makatatanggap ng suporta mula sa gobyerno ang mga taga-lungsod para sa kanilang mga pangangailangan sa pagsasaka tulad ng makinarya, mga gamit sa pagsasaka at mga kailangang sa pananim. Ang pagtuturo sa pagtatanim ay ibabahagi ng mga siyentistang-magsasaka at agrarian reform beneficiaries ng DAR-Calabarzon.
Ipinahayag din ni Brother John na ang pangalawang paglulunsad ng urban vegetable farming ay dahil sa tagumpay ng naunang Buhay sa Gulay project sa St. John Bosco Parish sa Tondo, Manila.
“Inilunsad natin ang unang “Buhay sa Gulay” noong Nobyembre 22 ng nakaraang taon at sa mahigit isang buwan lamang ay matagumpay silang naka-ani ng mga gulay tulad ng spinach, petchay, kangkong, at mustasa noong Enero 3, ngayong taon,” ani Castriciones.
Idinagdag pa ni Brother John na pagkatapos ng paglulunsad sa Quezon City, ang susunod na lokasyon ng proyekto ay sa Caloocan City.
“Positibo tayo na magsisipagsunuran rin ang iba pang siyudad sa Kamaynilaan sa proyektong ito dahil ito ay madiskarteng solusyon upang matugunan ang suliranin sa produksyon at pagkakaroon ng sapat sa pagkain at ganun din ang pangangailangan sa kabuhayan ng mga Filipino sa kalunsuran,” ani DAR Secretary. (Public Assistance and Media Relations Service, Department of Agrarian Reform)