Kasabay ng pagdiriwang ng National Volunteer Month ay kinilala ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pamamagitan ng Strategic Communication and Initiatives Service (SCIS) ang 49 na organisasyon dahil sa patuloy na pagsuporta ng mga ito sa adhikain ng ahensiya.
Ayon kay DENR Undersecretary for Solid Waste Management and Local Government Units Concerns at SCIS Supervising Undersecretary Benny D. Antiporda, mapalad ang DENR dahil sa patuloy na pagsuporta ng mga ito sa mga programa, proyekto at aktibidad ng kagawaran.
“Indeed, we have seen a spectacular turnout of volunteers in our coastal and river cleanups, tree planting, and other mobilization activities,” sabi pa ni Antiporda sa ginanap na awarding ceremony sa pamamagitan ng Zoom noong Disyembre 15.
Aniya, nakuha ng institusyon ang tiwala ng mga tao at ang bawat aksiyon ay nakabase sa pangangailangan at aspirasyon ng bawat mamamayan.
Bagama’t patuloy pa rin ang COVID-19 pandemic, sinabi pa ni Antiporda na ipagpapatuloy ng DENR na gampanan ang tungkulin na pangalagaan ang kapaligiran at likas na yaman at upang kilalanin ang mga “loyal partners” nito dahil sa kanilang pagtulong.
Ipinaliwanag pa ni Antiporda na kaya nagiging matapang ang DENR na ipaglaban ang mga proyekto laban sa mapagsamantala ay dahil na rin sa tulong ng mga stakeholder.
Sa ginanap na okasyon, siyam na DENR partner-organizations ang nakatanggap ng special awards. Para ngayong taon, nagbigay ang ahensiya ng limang sets ng special awards. Ang Gawad Mapamaraan ay ipinagkaloob sa Junior Chamber International Manila. Rotary Club of Makati-Rockwell, Colegio de San Juan de Letran, National Bicycle Organization at UST-College of Science and Simbahayan.
Ang Masigasig Award naman ay ipinagkaloob kay Landbank of the Philippines (LBP) Corporate Affairs Specialist Arnold Aldaba dahil sa pagsisikap nito na maikonekta ang DENR sa kanilang environmental programs.
Gawad Kamanggagawa naman ang naipagkaloob sa Employees Compensation Commission at ang Gawad Kawanggawa sa Kalikasan ay napunta sa HSBC Electronic Data Processing, Philippines, Inc. at sa mga volunteer nito.
Kamagong Award naman ang nakuha ng Land Bank of the Philippines dahil sa implementasyon nito ng mga programa na sumusuporta upang protektahan at pagbibigay ng rehabilitasyon sa mga watershed at iangat ang livelihood ng partner community organizations.
Ang kamagong (Diospyros blancoi) ay katumbas ng “Hall of Fame”, ay ang uri ng puno na matatagpuan lamang sa Pilipinas ay nagpapakita na ang pinagkalooban ng award na ito ay matatatawag na “resilient, adaptable, relevant at important.”
Ang National Volunteer Month ay ipinagdiriwang tuwing Disyembre base na rin sa Proclamation No. 55 series of 1998 na nag-aatas sa lahat ng departamento, ahensiya at iba pang sangay ng national government units, private sector at publiko na lumahok sa mga aktibidad na gaganapin ng isang buong buwan. ### (Strategic Communication and Initiatives Service (SCIS), Department of Environment and Natural Resources)