Magtatagisan sa ispeling sa Filipino ang mga mag-aaral sa Ikaanim na Baitang ng mga paaralang publiko at pribado sa Pambansang Paligsahan sa Ispeling: IISPEL MO! na isasagawa ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at Kapisanan ng mga Superbisor at Guro sa Filipino (KASUGUFIL).
Pangungunahan at pangangasiwaan ng Kalupunan ng mga Direktor ng KASUGUFIL at KWF ang pagsubaybay sa isasagawang paligsahan sa antas dibisyon at antas rehiyonal sa buong bansa. Ang magwawagi sa rehiyon ang maglalaban-laban para sa antas pambansa na gagawin sa 28–30 Nobyembre 2017 sa National Educators Academy of the Philippines (NEAP), DepED, NCR, Lungsod Marikina.
Makatatanggap ang mga magwawagi sa antas pambansa ng mga papremyong cash, plake, at tropeo mula sa KWF. Ang mga gantimpala sa mga mag-aaral ay ang sumusunod: una, PHP35,000.00; pangalawa, PHP25,000.00; pangatlo, PHP15,000.00; pang-apat, PHP10,000.00; at panlima, PHP5,000.00. Ang mga tagapagsanay ng mga magwawagi sa antas pambansa ay makatatanggap din ng sertipiko at cash.
Noong 2016, tinanghal si Karla Rhea C. Abella ng Mababang Paaralan ng Pataya ng Solano, Cagayan bilang kauna-unahang kampeon sa Pambansang Paligsahan Sa Ispeling: Iispel Mo! Pumangalawa naman si Gichelle Mirachle C. Burwell ng Mababang Paaralan ng Palanan ng Lungsod Makati at pumangatlo naman si Kristel Ann Patrice O. Santos ng Sentral na Paaralan ng Baybay I ng Baybay, Leyte.
Layunin ng paligsahang ito na malinang ang kakayahan ng mga mag-aaral sa wastong ispeling ng mga salita ayon sa ortograpiyang pambansa at mapalaganap ang mga napapanahong kaalaman sa wikang Filipino.
Ang programang ito ay bahagi ng pagsasakatuparan ng pambansang kampanya ng KWF para sa estandardisasyon ng wikang Filipino at armonisasyon ng mga wika ng Filipinas gamit ang Ortograpiyang Pambansa.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan kay Dr. Benjamin Mendillo Jr., Puno ng Sangay ng Salin sa (02) 243-9789, 0932-2333317, o sa pagsasalin101@gmail.com.