Pinasaniyaan ngayon ang Bantayog-Wika para sa wikang Kinaráy-a, isang pagpaparangalan sa mga katutubong wika ng Filipinas, sa Capitol Grounds ng Lalawigang Antique.
Ang Bantayog-Wika, na likha ng tanyag na eskultor na si Luis “Junyee” Jr., ay magkatuwang na inilantad sa madla ni Senador Loren B. Legarda, Gobernador ng Antique Rhodora J.Cadiao, at Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario.
Yari ang hubog-kawayang bantayog sa stainless steel at may taas na sampung talampakan. Nakaukit sa katawan nito ang baybaying bersiyon ng “Pag-ibig sa Tinubuang Bayan” ni Andres Bonifacio. Lumiliwanag din ang teksto para sa mga nais bumisita sa kinatatayuan nito sa plaza tuwing gabi.
Ang wikang Kinaray-a, batay sa mga saliksik, ay sa pinakamatandang wika sa isla Panay. Ayon sa estadistika, higit 500,000 ang nagsasalita nito at ginagamit sa Antique, Capiz, Guimaras, Iloilo, at Palawan.
Mababása ang karagdagang impormasyon tungkol sa wikang Kinaráy-a sa marker na kapuwa mayroon sa wikang Kinaray-a at Filipino.
Inaasahan ang pagtatayo ng iba’t ibang Bantayog-Wika sa Filipinas na mayroong 130 katutubong wika at itinuturing na di-nasasalat na pamanang pangkultura o intangible cultural heritage. Itinataguyod ito ng Tanggapan ni Senador Loren B. Legarda at Komisyon sa Wikang Filipino. (Komisyon sa Wikang Filipino)