Kasabay ng pagdiriwang ng Family Planning Month ngayong Agosto, nananawagan ang grupo ng Akbayan Women’s Committee sa Korte Suprema na alisin na ang Temporary Restraining Order (TRO) na nagpipigil sa pagbebenta at pamamahagi ng hormonal contraceptive ‘Implanon’ sa mga kababaihan.
Naglabas ang Supreme Court ng TRO para sa Implanon nitong nakaraang Hunyo matapos umapela ang isang grupo na kontra sa Reproductive Health Law. Ani ni Akbayan Representative Angelina Ludovice-Katoh, ang TRO daw na ipinataw ng Supreme Court laban sa implant ay nakakahadlang sa karapatan ng mga kababaihan na makapili ng posibleng option ng family planning.
Sa press conference na isinagawa ng grupo ngayong araw, inihayag nila na muli silang makikipagtulungan sa Reproductive Health Advocates Network (RHAN) upang masiguro ang karapatan ng kababaihan sa pagkakaroon ng Reproductive Health. Mamimigay din sila ng Implanon at iba pang family planiing methods sa mga kababaihan sa mga probinsya na may pinakamataas na pangangailangan sa family planning.
Sa buwan ng Agosto, magsasagawa ang Akbayan Women ng mga fair sa Quezon City, Manila at Rizal. Kapapalooban ito ng mga educational discussion gayundin ang pamamahagi ng na-TRO na contraceptive.
Inaanyahan ng grupo ang mga kababaihan na makibahagi sa kanilang laban at ang kanilang sigaw, wag daw pigilan ang RH Law.
Kasama rin ng Akbayan si Dr. Annabelle Fajardo ng Family Planning Organization of the Philippines at ang mga kinatawan ng Likhaan Center for Women’s Health sa nasabing presscon.
Ang Implanon ay isang uri ng contraceptive na ini-implant sa mga kababaihan (braso). Ito ay nakatutulong sa mga kababaihan na maiwasan ang pagbubuntis sa loob ng tatlong taon. (Freda Migano)