Dahil sa patuloy na adhikaing mapalawak ang kamalayan ukol sa tamang pamamahala ng nagamit na tubig, muling nadagdagan ang kabalikat ng programang Toka Toka kasabay ng pagsuporta ng National Housing Authority. Nangako ang NHA na tutulong sa programang Toka Toka, ang una at natatanging adbokasiya sa bansa na nakatuon sa tamang pamamahala ng nagamit na tubig.
Ipinaliwanag ni Manila Water OIC for Corporate Strategic Affairs at Corporate Communications Head Jeric Sevilla na ang pakikipagtulungan sa NHA ay hindi lamang maiaangat ang kamalayan ng publiko ukol sa isyu ng nagamit na tubig kundi pati na rin ang problemang kinakaharap sa urbanisasyon, paglobo ng populasyon, at seryosong suliranin sa climate change at masamang epekto nito sa yamang tubig.
Diin pa ni Sevilla, kahit manguna pa ang pribadong sektor sa pagtulong na buhaying muli ang mga kailugan, napakalaki pa rin ng problema sa polusyon sa tubig dahilan ng kawalan ng tamang pamamahala nito mula sa kabahayan o untreated domestic used water at solid waste management. Hindi mareresolba ang problema kung hindi tutulong ang bawa’t isa sa ating lipunan lalo na ang mga ahenya ng ating gobyerno katulad ng NHA.
“Hindi namin kakayaning mag-isang masolusyunan ang problema sa polusyon sa mga kailugan kaya’t kinakailangan namin ang tulong ng bawa’t isa sa hamong ito,” paliwanag ni Sevilla habang ipinapaliwang na 60 porsiyento ng polusyon sa daluyan ng tubig ay nagmumula at nanggagaling mula sa dumi ng mga kabahayan.
Samantala, binigyang pugay naman ni NHA General Manager Chito Cruz ang programang Toka Toka ng silangang konsesyunaryo ukol sa nagamit na tubig. “Ang programang ito ay makatutulong sa aming proyekto na makapagbigay ng mga pangunahing serbisyo sa mga relocation at resettlement sites,” dagdag ni Cruz. Nangako naman ang NHA na magbibigay ng buong suporta sa Toka Toka sa pamamagitan ng pagpapatibay ng solid waste management program, pakikilahok at pagpapalawig ng kampanya sa desludging at paglilinis ng daluyan ng tubig sa mga kailugan.
Tinawagan din ni Cruz ang executive team ng ahensiya na pangunahan ang pagsuporta sa anumang Toka kabilang dito ang magtapon ng basura sa tamang paraan; ipa-desludge o ipasipsip ang poso negro sa bahay; ipakonekta ang bahay sa sewer line ng Manila Water; at suportahan ang mga proyekto ng Manila Water sa mga komunidad.
Sa kasalukuyan, ang silangang konsesyunaryo ang nagbibigay ng serbisyong patubig at alkantarilya sa 6.3 milyong populasyon sa Marikina, Pasig, Makati, Taguig, Pateros, Mandaluyong, San Juan, ilang bahagi ng mga lunsod ng Quezon at Maynila at ilang bayan sa lalawigan ng Rizal.
Pinaigting ang programang Toka Toka ng Manila Water sa pamamagitan ng Partnership Seal Signing ng National Housing Authority at Manila Water sa pangunguna ni OIC Corporate Strategic Affairs Group Jeric Sevilla (pang-sampu mula kanan), Manila Water Branding and Market Research Department Head Fernando Busuego (pang-apat mula sa kanan, likod), National Housing Authority General Manager Chito Cruz (panglabing dalawa mula kaliwa) kasama ang ilang kinatawan ng Manila Water at NHA sa isinagawang seal signing ceremony na ginanap sa NHA Building sa lunsod ng Quezon.
Makikita sa larawan si Manila Water OIC for Corporate Strategic Affairs Group Jeric Sevilla (kanan) kasama si National Housing Authority General Manager Chito Cruz (kaliwa) sa ginanap na Partnership Seal Signing ng Toka Toka sa NHA, Building sa lunsod ng Quezon.
Posted by: Freda Migano