KAMAKAILAN ay inilunsad ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa ilalim ng Agrarian Reform Communities Project Phase 2 (ARCDP2) sa Zamboanga Del Sur at Lanao Del Sur na may kabuuang 75.8 milyong halaga ng ‘farm-to-market roads’.
Nanguna si DAR Secretary Virgilio R. Delos Reyes sa paglalagay ng pananda o ‘groundbreaking’ para sa nasabing proyekto sa Tambuli, Josefina, Domingag, Zamboanga Del Sur at Ganassi, Lanao Del Sur na mag-uugnay sa mga komunidad ng mga magsasaka upang ang kanilang mga produktong agricultural ay medaling madala sa pamilihang bayan.
Ayon kay Kalihim Delos Reyes na ang mga kalsadang gagawin ay malaking maitutulong hindi lamang sa mga resident eng mga nabanggit na lalawigan kundi higit sa mga magsasaka dahil makababawas ito sa mataas na gastusin nila sa transportasyon mailuwas at mapabilis lamang ang pagdadala ng kanilang mga produkto sa kabayanan.
Dagdag pa ni Secretary Delos Reyes na ang 75.8 milyong proyekto ay may kabahagi rin ang mga lokal na pamahalaan batay sa kakayahan ng pondo ng bawat lalawigan.
Ang pagpapagawa ng mga kakalsadahang ito sa mga lalawigan ay kinabibilangan ng ‘9km road’ na may halagang 23.4 milyon para sa pagsasaayos ng Josephina Highland Arc na uugnay sa Barangay Nopulan at Bago Calabat. Kasama rin ang ‘6.10 km road’ na 33 milyon sa Ganassi, Lanao Del Sur na kokongreto sa kasalukuyan nang kalsada sa Taliogan ARC na syang magdudugtong sa mga Barangay ng Barit, Taliogan, at Tabuan samantalang ‘11.6km road’ naman na may halagang 16.12 milyong piso na kokonekta sa mga Barangay ng Gabunon, Tuluan, Libato at Bag-ong Tabugon ng munisipyo ng Tambulig. Gayundin 3.44 milyon sa gagawing kalsada ng Dimungag na may habang .93km kung saan makikinabang ang Barangay Maralag at Libertad.
Si Nida Salangca-on, namumuno sa mga lider ng matatandang tribo ng Subanen sa Josephina Highland ARC ay ipinahayag ang kanyang kagalakan at pasasalamat dahil sa wakas aniya ay may tulay nang gagawin at dahil ditto ay malaking maitutulong nito sa pagluluwas nila ng kanilang mga aning palay at mais patungo sa pamilihan. Inaasahan din umano nya na ang isa pang pinagkakakitan nilang sariling gawang ‘bead jewelry’ na isa sa kanilang pangunahing pinagkakakitaan ay madali na rin nilang madadala sa kabayanan.
Ang ‘farm-to-market roads’ na proyekto sa Ganassi ay pinondohan din ng World Food Program (WFP) ng United Nations (UN) upang makapagsuplay ng insentibo sa mga boluntaryong manggagawa na nasa 5 milyong halaga. Ayon kay Baicon Cayongcot-Macaraya, pinuno ng WFP-UN Field Office na umaasam syang ang pakikipagtulungan nila sa DAR ay magiging epektibo upang patuloy na maitaas ang antas ng pamumuhay ng mahihirap at maliliit na magsasaka sa pamamagitan ng mga gagawing kalsada patungo sa mga pamilihang bayan sa Ganassi, Lanao Del Sur.
Ang ARCDP2 ang tumutukoy sa isang lugar na sakahing lupa upang magkaloob ng proyekto upang matulungan ang mga kababayan nating magsasasaka sa kanayunan, sa pakikipagtulungan din ng Asian Development Bank (ADB), OPEC Fund for International Development (OFID) na tinatayang nasa 100 Milyong Dolyar na halaga pati ang mga lokal na pamahalaan sa bansa. -30- (Cathy Cruz)