Mahigpit ang aming pakikiisa sa mga manggagawa ng Philippine Airlines sa paglaban sa malawakang tanggalan bunsod ng pagpapatupad ng iskemang kontraktwalisasyon via outsourcing ng manedsment ng PAL, partikular ni Lucio Tan. Isa rin itong porma ng union-busting, kung saan layuning pahinain at durugin ang PAL Employees’ Association o Palea, isa sa pinakamatandang unyon sa bansa. Niyayakap namin ito bilang laban ng mga manggagawa at mamamayan sa buong bansa, dahil nagbubukas ito sa mas malaganap na pag-atake sa seguridad sa trabaho at karapatan ng mga manggagawa.
Pangunahin naming kinokondena ang malaking kapitalistang si Lucio Tan, na gustong ibayong palobohin ang higanteng tubo, gayundin ang rehimen ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, na tuluy-tuloy na kumakatig kay Lucio Tan at umaatake sa mga manggagawa ng PAL.
Kinokondena rin namin ang pamunuan ng Palea, tampok ang presidente nitong si Gerry Rivera at ang pangkalahatang kalihim nitong si Bong Palad, na mga lider rin ng bagong dilawang Partido ng Manggagawa o PM. Malinaw sa mga hakbangin ng pamunuan ng Palea ang pagtataksil sa mga manggagawa ng PAL at sa mga manggagawa at mamamayan ng bansa. Malinaw na nakipagsabwatan ito kay Lucio Tan at sa rehimeng Aquino para pahinain ang paglaban ng mga manggagawa ng PAL. Sa ikinikilos nito, hindi maalis sa isip namin ang hinalang kumita ito at ibinenta ang laban ng mga manggagawa.
SETYEMBRE 27
Tumampok ang sabwatan ni Lucio Tan, ng rehimeng Aquino at ng pamunuan ng Palea sa naging pagkilos ng mga manggagawa ng PAL noong 27 Setyembre.
Kahapon, alinsunod sa panawagan ng pamunuan ng Palea, pumasok ang mga manggagawa ng PAL pero tumangging ipatupad ang kani-kanyang tungkulin. Maagap itong binansagang “welga” ng manedsment ng PAL para durugin ang pagkilos at kasuhan ang mga manggagawang lumahok. Matagumpay na naparalisa ang operasyon ng PAL, kahit hindi pa itinodo ng pamunuan ng Palea ang paghahanda at hanay ng mga manggagawa para rito. Hindi umani ng malawak na suporta ng publiko ang kilos-protesta, dahil bukod sa walang paunang paabot sa publiko ang kilos-protesta ay itinaon ito sa pananalasa ng isang bagyo.
Ang resulta ng kilos-protesta na hindi ikinasa nang mahusay at walang paunang abiso sa publiko: natanggal sa trabaho ang mga manggagawang kumilos, wala silang separation pay, kakasuhan pa sila ng manedsment ng PAL, at walang malawak na pagkondena sa nabanggit na mga hakbanging kontra-manggagawa. Dahil sa kahinaan ng paglulunsad ng laban, sa halip na magpatapang sa lahat ng mga manggagawa ng PAL, takot ang idinulot ng kinasapitan ng mga manggagawang lumaban.
Ang totoo, ikinasa ng pamunuan ng Palea ang kilos-protesta noong 27 Setyembre para isabotahe ang panawagan mula sa hanay mismo ng mga manggagawa na magwelga sa 01 Oktubre. Sa tingin ng naturang mga manggagawa, mas matibay ang batayan sa paglulunsad ng welga sa unang araw ng Oktubre dahil inanunsyo na mismo ng manedsment ng PAL na dito ipapatupad ang outsourcing. Kung hindi papapasukin ng mga manedsment ng PAL ang mga manggagawa sa naturang petsa, malinaw na illegal lockout ito – na kawelga-welga kahit sa kontra-manggagawang batas ng gobyerno.
Mas nakakapagpahina kaysa nakakapagpalakas sa paglaban ng mga manggagawa ng PAL ang pagkakalunsad ng kilos-protesta kahapon. Ang totoo, hindi seryoso ang pamunuan ng Palea sa paglulunsad ng malakas na kilos-protesta o welga. Gusto lang nitong magpanggap na palaban para pagtakpan ang ilang beses nitong pagtataksil sa mga manggagawa ng PAL at sa mga manggagawa at mamamayan ng bansa.
Sa proseso, tinitiyak ng pamunuan ng Palea ang mas mabilis na pagpapatupad ng mga kontra-manggagawang iskema ni Lucio Tan kasabwat ang rehimeng Aquino. Bunsod ng ikinasang kilos-protesta, pinatawan ng forced leave ang lahat ng manggagawang matatanggal sa trabaho bunsod ng iskemang kontraktwalisasyon via outsourcing.
SERYE NG PAGTATAKSIL
Ilang beses nang pinagtaksilan ng pamunuan ng Palea ang mga manggagawa ng PAL sa paglaban ng huli sa malawakang tanggalan bunsod ng iskemang kontraktwalisasyon via outsourcing at sa pagdurog sa unyon simula noong 2009. Ang pamamaraan o modus operandi ng pagtataksil: ang pag-asa sa gobyernong Aquino at mga prosesong ligal para isulong umano ang laban ng mga manggagawa. Sa kabila ito ng tuluy-tuloy na paghahayag ng kasapian ng Palea ng kahandaang magwelga.
(1) Disyembre 2010 – Sa strike vote, 86% ng mga miyembro ng Palea ang bumoto pabor sa paglulunsad ng welga laban sa outsourcing. Sa halip na paghandaan ang malakas na welga, nagsumamo sina Rivera at Palad kay Pang. Aquino na makialam sa usapin sa PAL. Bilang tugon, nagpataw si Aquino ng assumption of jurisdiction. Sa gayon, napigilan ang mga pagkilos at inisyatiba ng mga manggagawa sa peak season ng PAL.
Hulyo 2011 – Gaya ng inaasahan ng lahat maliban marahil sa pamunuan ng Palea, naglabas ng desisyon si Aquino na pabor sa iskemang outsourcing ni Lucio Tan. Sa halip na tugunan ito ng paghahanda sa malakas na welga, nagpatali na ang pamunuan ng Palea sa takbo ng prosesong ligal.
(2) Pebrero 2011 – Sa ikalawang strike vote, 95% ng mga miyembro ng Palea ang bumoto pabor sa paglulunsad ng welga laban sa pagtanggi ng manedsment ng PAL na maglunsad ng collective bargaining sa mga manggagawa. Sa halip na paghandaan ang malakas na welga, itinulak nina Rivera at Palad ang pagharap sa sekretaryo ng Department of Labor and Employment para magreklamo. Dinala ng DOLE ang kaso sa National Labor Relations Commission, libingan ng mga kaso ng manggagawa. Hanggang ngayon, hindi pa resolbado ang naisampang kaso.
Ang totoo, dagdag ang mga kasalanang ito sa mahabang listahan ng kasalanan ni Rivera at Palad sa mga manggagawa ng PAL. Kasama si Rivera sa pamunuan ng Palea na nag-apruba sa 10-taong moratoryum sa Collective Bargaining Agreement sa panahong 1998-2008 – bagay na bumarat sa sahod at benepisyo ng mga manggagawa. Kasama rin siya sa nasabing pamunuan na nag-apruba sa CBA noong 1998 na kumikilala at tumatanggap sa outsourcing.
MANGGAGAWA ANG MAPAGPASYA
Malinaw nang walang maaasahan sa rehimeng Aquino at mga prosesong ligal sa pagsusulong ng seguridad sa trabaho at iba pang karapatan ng mga manggagawa. Wala ring maaasahan sa mga nagpapanggap na lider-manggagawa na hindi sumasalig sa lakas ng mga manggagawa at sa halip ay itinatali ang paglaban sa pag-asa sa rehimeng Aquino at mga prosesong ligal at sa gayo’y ipinapahamak ang laban.
Ang sama-samang pagkilos na ng mga manggagawa ng PAL, sa suporta ng uring manggagawa at malawak na publiko ng bansa, ang mapagpasya sa tagumpay ng paglaban sa malawakang tanggalan at iskemang kontraktwalisasyon via outsourcing, gayundin sa pagbuwag sa unyon sa PAL.
Tinatawagan namin ang mga manggagawa ng PAL: Ikasa ang malakas na welga! Itakwil ang bentador at taksil na pamunuan ng Palea! Kaalinsabay, bantayan ang pamunuan ng Palea sa lalo pang pagbebenta at pagtataksil sa laban!
Tinatawagan namin ang mga manggagawa at mamamayan: Suportahan natin ang laban ng mga manggagawa ng PAL! Kondenahin natin ang malawakang tanggalan, kontraktwalisasyon at outsourcing! Kondenahin natin ang panunupil at pananakot na ginagawa ng malaking kapitalistang si Lucio Tan at ng rehimeng Aquino sa pakikipagsabwatan ng pamunuan ng Palea! Lito Ustarez, KMU Vice Chairperson