Nananawagan kami sa pagkakaisa ng buong uring manggagawa. Lampasan ang pagkakahati-hati anuman ang mga dahilan nito – ideolohiya, apilasyon, at iba pa – at bigkisin ang hanay para isulong at ipagwagi ang pakikibaka ng mga manggagawa sa PAL.
Ang pakikibaka ng mga manggagawa sa PAL, sa pangunguna ng unyong Palea, ay pakikibaka ng lahat ng manggagawa. Laban ito sa walang patumanggang pagtatanggal ng regular na trabaho at pagpapalit dito ng trabahong kontraktwal sa kakapiranggot na sweldo at benepisyo.
Ang pakikibaka ng mga manggagawa sa PAL ay pagpapamalas ng pag-alpas ng dumaraming manggagawa sa ilusyon ng demokratiko at makataong gobyerno ni Pangulong Noynoy Aquino. Batid ng mga manggagawa sa PAL na walang nagawa ang bagong gobyerno para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan. Sa halip, ang kinatigan ng gobyerno ay ang interes ng kapitalistang si Lucio Tan para panatilihin ang malaking tubo ng kompanya, kapalit ng pagpapababa ng sweldo at benepisyo ng mga manggagawa at pagkawala ng kanilang kasiguruhan sa trabaho.
Ang laban sa PAL ay mapagpasyang laban na siyang magtatakda ng tatakbuhin pang laban ng mga manggagawa. Kung ito ay magwawagi, mabibigyan ng pag-asa ang marami pang mga laban na gaya nito. Kung ito ay mabibigo, dadanas ng masidhing siphayo ang kilusang manggagawa na kasasadlakan sa mahabang panahon.
Tinatawagan namin ang lahat ng mga manggagawa, saanmang unyon o apilasyon kayo nabibilang, halina’t suportahan ang laban ng mga manggagawa sa PAL. Magmobilisa at sumama sa walang-tigil na piket sa harap ng Terminal 2 ng NAIA. Gayundin, hikayatin ang marami pa na magpahayag ng kanilang suporta sa pakikibaka ng mga manggagawa sa PAL.
Sa paglawak ng ating pagkakaisa, paghandaan rin ang posibilidad na maitaas pa ang laban sa kapitalistang si Lucio Tan sa pamamagitan ng pagboykot sa PAL at iba pa niyang mga produkto.
Mabuhay ang mga manggagawa sa PAL!
Mabuhay ang uring manggagawa! Sonny Melencio, Tagapangulo, Sa ngalan ng Partido ng Lakas ng Masa