“Minamaliit ng gobyerno ang protestang bayan ngayong araw para hindi sundin ang mga panawagan ng bayan sa langis.”
Ito ang pahayag ng Kilusang Mayo Uno hinggil sa patapos nang protestang bayan ngayong araw, na may sangkap na mga mobilisasyon at welgang pantransportasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon sa KMU, ang sumusunod ang nagawa ng protestang bayan ngayong araw na may panawagang P9.00 rollback sa kada litrong presyo ng langis, pagtanggal sa VAT sa langis, at pagbasura sa Oil Deregulation Law:
(1) Naipaliwanag sa malawak na publiko ang mga batayan at panawagan ng protesta, at nakabig ang marami sa kanila,
(2) Napalahok ang mahigit 5,000 mamamayan, bukod pa sa mga tsuper, sa Kamaynilaan at sampu-sampung libo naman sa buong bansa,
(3) Naparalisa ang transportasyon sa buong Mindanao at ang signipikanteng bahagi ng Timog Katagalugan at Kamaynilaan,
Sinabi pa ng KMU na hindi maikakaila ng gobyerno ang lakas ng protestang bayan na ipinakita ng iba’t ibang ginawa nito para pigilan ang protesta:
(1) Ginapang nito ang ibang grupong pantransportasyon para hindi lumahok,
(2) Nanakot ito sa mga tsuper na tatanggalan sila ng prangkisa kapag lumahok,
(3) Nagparinig ito ng paglalabas umano ng bagong Pantawid Pasada,
(4) Naglabas ito ng libreng sakay,
(5) Tinambakan nito ng mga pulis at ginulo’t dinahas ang mga sentro ng protesta,
(6) Nanakot ito na posibleng maging marahas ang mapayapang protesta,
(7) Pinapunta si Mar Roxas sa Cubao para makipagdiyalogo umano sa mga nagpoprotesta,
(8) Pinilit nitong sagutin ang mga argumento ng mga nagpoprotesta.
Sa kabila nito, ayon sa KMU, nagpatuloy ang mga protesta at naging malakas pa nga.
“Sa halip na kilalanin na malawak ang suporta sa mga panawagan sa isyu ng langis, gusto ng gobyernong Aquino na maliitin ang protesta para patuloy na makipagkutsabahan sa Big 3 Oil Companies,” sabi ni Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.
“Halatang gusto ng gobyernong Aquino na patuloy na hayaan ang overpricing ng kartel, ang pagkolekta ng pahirap na VAT sa langis, at pagpapatupad ng Oil Deregulation Law,” sabi niya.
“Nagpapasalamat at nagpupugay kami sa lahat ng mga manggagawa, tsuper at mamamayan na lumahok at sumuporta sa protestang bayan at welgang pantransportasyon ngayong araw. Pero nagsisimula pa lang tayo,” dagdag niya.
“Halatang gusto ng gobyernong Aquino na patuloy na makipagkutsabahan sa Big 3 sa panghuhuthot at pagnanakaw sa atin. Kaya kailangan nating ipagpatuloy at palawakin pa ang protesta sa mga darating na buwan,” aniya. Elmer “Bong” Labog, KMU Chairperson