Bilang patunay sa matibay na ugnayan at malasakit sa kapwa, ipinagkaloob ng Bagumbayan Eastern Rizal Region VIII ng The Fraternal Order of Eagles – Philippine Eagles Inc. (FOE-PEI) ang isang rescue boat sa Triple D Commission, na magpapalakas sa kakayahan ng mga first responder sa rehiyon.
Ang donasyon, na pinangunahan ni Regional Governor Edwin Miranda at suportado ng lahat ng clubs sa ilalim ng rehiyon, ay simbolo ng pagkakaisa, serbisyo, at diwa ng bayanihan na siyang pundasyon ng samahan.

Nagpasalamat nang taos-puso si Joseph Ryan C. Jocson sa naturang kontribusyon. “Thank you Kuya Gov Edwin Miranda and the Eastern Rizal Region 8 for your rescue boat donation to be used by our triple D emergency responders,” pahayag ni Jocson sa isang facebook post. “Malaking tulong po ito upang mas mapabuti pa namin ang aming serbisyo lalo na sa panahon ng sakuna.”
Ang rescue boat ay inaasahang magiging mahalagang kagamitan para sa Triple D Commission sa kanilang pagtugon sa mga sakuna at pagresponde sa mga insidente sa tubig. Direktang pakikinabangan ito ng komunidad lalo na sa panahon ng pagbaha at iba pang emergency na sitwasyon.
Giit ng Bagumbayan Eastern Rizal Region VIII, ang proyektong ito ay sumasagisag sa kanilang matibay na pagkakapatiran. “Ito ay higit pa sa isang bangka; ito ay buhay na handog ng aming rehiyon. Ang aming misyon, ‘ONE BOOR. ONE MISSION. SAVING LIVES,’ ay nagpapatunay na kaya nating makamit ang malalaking bagay kung tayo ay nagkakaisa sa ilalim ng aming prinsipyo na ‘Service Through Strong Brotherhood,'” ayon sa kinatawan ng rehiyon.

Patuloy na nagpapatunay ang The Fraternal Order of Eagles – Philippine Eagles Inc. na ang tunay na pagkakapatiran ay nagbubunga ng mahusay at makabuluhang serbisyo para sa mga komunidad sa Eastern Visayas.
Ang The Fraternal Order of Eagles-Philippine Eagles Inc. ay isang pambansang fraternal na organisasyon na nakatuon sa pagpapalago ng matibay na pagkakapatiran at pagbibigay serbisyo sa komunidad na pinangungunahan ni National President Ronald F. Delos Santos. Sa pamamagitan ng iba’t ibang proyekto, isinasabuhay ng mga miyembro ang kanilang prinsipyo na “Service Through Strong Brotherhood.”