Bilang bahagi ng kanilang patuloy na pagsisikap na pangalagaan ang kalusugan ng publiko, inanunsiyo ng Manila Water ang iskedyul ng libreng paglilinis ng septic tank o “desludging” para sa buwan ng Oktubre sa 22 na barangay sa East Zone ng Metro Manila at ilang bahagi ng Rizal.
Ayon sa kompanya, mahalaga ang regular na desludging upang maiwasan ang pag-apaw ng septic tank lalo na sa panahon ng malakas na ulan, na maaaring magdulot ng pagkalat ng mga waterborne na sakit tulad ng cholera, leptospirosis, at diarrhea.

Ang regular na pagde-desludging ay nakakaiwas sa pag-apaw ng septic tank tuwing malakas na ulan, na maaaring maging sanhi ng pagkalat ng mga waterborne na sakit.
Sa pamamagitan ng nasabing programa, nais ng Manila Water na maitaguyod ang ligtas na sanitasyon at mapangalagaan ang kapaligiran laban sa mga panganib na dala ng hindi natratong wastewater.
Hinikayat ang lahat ng residente sa mga nabanggit na lugar na samantalahin ang serbisyong ito nang walang karagdagang bayad. Kailangan lamang na makipag-ugnayan sa kani-kanilang barangay upang maitala ang kanilang pangalan at mabigyan ng iskedyul.
Payo ni G. Jeric Sevilla, Corporate Communication Affairs Group Director ng Manila Water, “Ang desludging ay isa sa mga pangunahing depensa laban sa pag-apaw at sa mga sakit. Sa pamamagitan ng pagpapanatili ng maayos na septic system, napoprotektahan natin ang ating mga komunidad mula sa mga panganib sa kalusugan at kapaligiran lalo na sa panahon ng tag-ulan.”
Narito ang buong listahan ng mga barangay na bibisitahin ng Manila Water desludging team sa buwan ng Oktubre:
- Taytay, Rizal: San Isidro, San Juan
- Montalban (Rodriguez): San Isidro
- San Mateo, Rizal: Silangan
- Antipolo City: San Jose, Mayamot
- Pasig City: Rosario, Santo Tomas, Manggahan, Kalawaan
- Taguig City: Napindan
- San Juan City: Balong-bato, Pasadena, Pedro Cruz, San Perfecto, Greenhills
- Quezon City: Damayang Lagi, Nayong Kanluran, New Era, San Martin de Porres, San Roque
- Makati City: Tejeros
Para sa karagdagang impormasyon o upang mag-iskedyul ng pagbisita, maaaring tumawag sa Manila Water Customer Service Hotline sa 1627 o bisitahin ang kanilang opisyal na website at social media pages.#



