Hinahanap ng Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA) ang mga litratista, mag-aaral, mga ‘hobbyist’, agripreneur, at kuwentista sa buong Timog-Silangang Asya upang sumali sa ika-19 na SEARCA Photo Contest.
Ang tema ngayong taon, “Beyond the Harvest: People and Processes in the Agriculture Value Chain” o “Higit sa Ani: Mga Tao at Proseso sa Hanay ng Agrikultura,” ay anyaya para kuhanan ng larawan ang mga karaniwang hindi nakikitang hakbang kung paano napupunta ang pagkain mula sa mga bukid at dagat patungo sa ating mga hapag-kainan.
Ayon kay Dr. Mercedita Sombilla, SEARCA Center Director, “Hinahanap ng paligsahan ang mga makapangyarihan at nakasentro sa tao na kuwento na nagpapakita ng buhay pagkatapos ng ani—kung paano nililinis at inaayos ang mga ani, kung paano ipinoproseso at ipinapakete ang pagkain, kung paano ito naglalakbay sa kalsada at tubig patungo sa mga pamilihan, kung paano nagtitinda at nagnegosyo ang mga vendor at kooperatiba, at kung paano tumutulong ang mga digital na kagamitan upang maabot ng maliliit na negosyo ang kanilang mga mamimili.”
“Maari ring kunan ng larawan ang pagmamalaki ng mga pamilyang umaasa sa ligtas at de-kalidad na pagkain, na nagpapakita kung gaano kahalaga ang bawat bahagi ng proseso,” dagdag niya.
Bukas ang paligsahan sa lahat ng mamamayan ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya, maliban sa mga kawani ng SEARCA at kanilang mga kaanak. Maaaring magsumite ng higit sa isang entry ang mga kalahok, basta’t sumusunod ang bawat larawan sa mga alituntunin. Hinihikayat ng SEARCA ang mga de-kalidad at mataas na resolusyon na larawan na may wastong caption na nagsasaad ng lokasyon at kumpletong petsa kung kailan ito kinuha.
Dadaan muna sa pagsusuri ng isang komite ng SEARCA ang mga lahat ng isusumite upang tiyakin kung pasok sa mga patakaran. Pagkatapos, isang panel ng mga eksperto sa larangan ang pipili ng mga magwawagi batay sa relasyon sa tema, teknikal na kalidad, at kabuuang epekto ng larawan. Mayroon ding espesyal na gantimpala na pipiliin mismo ng SEARCA Center Director.
Ang mga magwawagi ay tatanggap ng 1,000 USD para sa unang gantimpala, 800 USD para sa pangalawa, 600 USD para sa pangatlo, at 500 USD para sa Director’s Choice, kasama ang mga sertipiko. Itatampok ang mga napiling larawan sa mga plataporma at eksibisyon ng SEARCA.
“Tulungan ninyong kumpletuhin ang kuwento ng agrikultura sa Timog-Silangang Asya sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga kamay, ideya, at paglalakbay na siyang nagpapaandar sa ating mga sistema ng pagkain,” pagtatapos ni Dr. Sombilla.
Tatanggapin ang mga lahok hanggang 30 Nobyembre 2025, 11:59 PM (oras sa Pilipinas), sa pamamagitan ng photocontest.searca.org/2025.#