Matapos ang isang serye ng masusing pagsubok, inanunsyo ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang matagumpay na pagtatapos ng “Project Agila,” isang hakbang na magpapahintulot sa mga bangko at iba pang financial institution na magpadala ng pondo sa isa’t isa kahit sa labas ng regular na oras ng operasyon.
Ayon sa BSP, ang proyekto ay isang proof-of-concept ng tinatawag na wholesale Central Bank Digital Currency (CBDC). Layunin nito na mapabilis at mapag-ibayo ang kaligtasan ng malalaking halaga ng transaksyon sa pagitan ng mga institusyong pampinansyal, maging ito man ay gabi, weekend, o mga piyestang opisyal.
Sa pamamagitan ng open-source distributed ledger technology na pinatatakbo sa Oracle Cloud Infrastructure, mas ligtas at maaasahan ang mga transaksyong ito.
“Ang wholesale CBDCs ay inaasahang magpapahusay sa pamamahala ng liquidity, magbabawas sa mga panganib sa settlement, at magsusuporta sa katatagan ng sektor ng pananalapi,” pahayag ni BSP Governor Eli M. Remolona, Jr.
Idinagdag pa ni Remolona, “Ang mga natutunan mula sa proyektong ito ang magiging gabay ng BSP sa pagbuo ng aming CBDC roadmap. Layunin natin na gamitin ang mga bagong teknolohiya upang lalong pagtibayin ang kahusayan at katatagan ng ating pambansang sistema ng pagbabayad.”
Ang CBDC ay isang digital na anyo ng salapi na denominado sa piso at itinuturing na direktang pananagutan (liability) ng bangko sentral. Ang wholesale na uri nito ay gagamitin ng mga bangko komersyal at mga institusyong pampinansyal para sa mga interbank payment, transaksyon sa securities, at cross-border na pagbabayad.
Nakatuon ang Project Agila upang tulungan ang BSP at mga kalahok na institusyon na galugarin at subukan ang potensyal ng CBDC, at alamin kung magiging daan ito upang mapabuti ang sistema ng malalaking halaga ng pagbabayad sa bansa.#



