Isinulat ng kasaysayan ng De La Salle University (DLSU) ang isang makabagong kabanata nitong Hulyo 30, 2025, nang pirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Presidential Proclamation No. 985 na siyang nagtatag sa DLSU Innovation Hub sa Laguna Campus bilang kauna-unahang Knowledge, Innovation, Science, and Technology (KIST) Park Ecozone na pinamumunuan ng isang pribadong pamantasan sa bansa.
Ang makasaysayang pagtatatag na ito, na naisakatuparan sa pamamagitan ng masinsing pakikipagtulungan sa pagitan ng Department of Science and Technology (DOST) at ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA), ay itinuturing na isang malaking hakbang upang itulak ang Pilipinas tungo sa isang ekonomiyang batay sa kaalaman at ‘innovation driven’.
Binigyang-diin ni DOST Secretary Renato U. Solidum Jr. na ang mga KIST Ecozone ay higit pa sa mga pisikal na espasyo. “Ang mga Ecozones na ito ay mga sentro ng pagtatagpo, kung saan nagkakaisa ang agham at teknolohiya sa entrepreneurship, at kung saan ang mga makabagong ideya ay isinasalin upang maging mga oportunidad na lumilikha ng trabaho, nagpapaunlad ng negosyo, at nagpapaigla sa inclusive economic growth,” pahayag ni Solidum sa kanyang talumpati sa seremonya ng paglulunsad.
Idinagdag pa ng kalihim ang kritikal na papel ng DLSU sa adhikaing ito: “Nakita natin sa De La Salle ang malaking potensyal. Marami silang mga resulta ng research and development na maaaring i-commercialize, at mayroon silang mga kumpanyang maaari nilang palaguin.” Aniya, ang mga proyektong tulad nito ay may direktang epekto sa ekonomiya at sa paglikha ng mga trabaho.
Kabilang sa mga nagsipagtalumpati si Brother Bernard S. Oca FSC, Presidente ng DLSU, na iginuhit ang mas malawak na pangarap para sa Innovation Hub. “Aming isinasaisip ang Innovation Hub bilang isang beacon of progress, kolaborasyon, at transformative impact,” wika ni Bro. Oca. “Dapat itong maging katalista ng innovation-led economic activity, na nagbibigay-kakayahan sa ating mga siyentipiko, inhenyero, negosyante, faculty, at mag-aaral upang magsama-sama sa paglikha ng mga solusyon sa mga pinakamahihirap na hamon ng ating panahon.”
Matatagpuan sa loob ng DLSU Science and Technology Complex dito sa Biñan, ang Innovation Hub ay isang dinamikong ecosystem na nakatuon sa Advanced Biotech Systems and Engineering. Saklaw ng mga programa nito ang mga larangan ng biomedical technologies, genomics, bioinstrumentation, at translational health sciences. Bukod dito, naglalaman ito ng mga state-of-the-art na R&D laboratoryo, startup incubators, at mga espasyo para sa pagpapalitan ng kaalaman at komersyalisasyon.
Kasama ng DLSU Innovation Hub, ang Batangas State University (BatStateU) KIST Park ang pangalawang ecozone ng uri nito sa rehiyon ng CALABARZON at sa buong bansa. Ayon sa DOST, mayroon na ngayong mahigit 30 aplikasyon para maging KIST Ecozone ang nasa pipeline, na nagpapakita ng tumataas na momentum ng programa.
Dahil dito, nanawagan si Secretary Solidum sa iba pang mga institusyon, lalo na sa mga pribadong unibersidad, na sumabak na sa oportunidad na ito. “Hinihikayat namin ang mas marami pang institusyon na samantalahin ang programang ito upang maging bahagi ng pagpapalago ng inobasyon sa bansa,” aniya.
Nagtapos ang makasaysayang paglulunsad sa isang makabuluhang pahayag mula kay Rowena Naguit ng PEZA, na nagsabi: “Sa pagharap natin sa nakagigiliw na bagong hangganang ito, tandaan natin: bawat inobasyon ay nagsisimula sa imahinasyon, bawat pagbabago ay nagsisimula sa edukasyon, at bawat mahalagang yugto ay nagsisimula sa pakikipagtulungan. Nawa’y patuloy na magningning ang inobasyong ito bilang tanglaw ng pagkamalikhain, pagkakaisa, at patuloy na pagkatuto.”
Ang matagumpay na pagtatatag ng DLSU Innovation Hub bilang isang KIST Ecozone ay sumasalamin sa mas malawak na estratehiya ng DOST na palakasin ang ugnayan sa pagitan ng akademya, industriya, at pamahalaan, sa ilalim ng mantra nitong OneDOST4U: Solutions and Opportunities for All.

Mula kaliwa pakanan (Ibaba): PEZA Division Chief para sa Ecozone Assistance Division Ludwig O. Daza, PEZA Acting Group Manager Rowena T. Naguit, DLSU President Br. Bernard S. Oca, FSC, at DLSU-Laguna Campus Vice President Dr. Jonathan R. Dungca, sa ginanap na Seremonyal na Pagpirma ng Registration Agreement na nagtatalaga sa DLSU bilang opisyal na Knowledge, Innovation, Science and Technology (KIST) Developer, na ginanap sa Enrique K. Razon Jr. Hall, DLSU-Laguna Campus noong 08 Oktubre 2025. (Kuha ni Patrick James Lee C. Alfonso, DOST-STII)