Home Feature Pagbubukas ng Bagong Robotics Center sa Cagayan Valley

Pagbubukas ng Bagong Robotics Center sa Cagayan Valley

0
6
Ipinakita nina Project Leader Angelo A. Pimentel at Technical Specialist Gerene-Leigh C. Almazan ang paggamit ng adaptive robotics sa paglulunsad ng Adaptive Robotics and Intelligent Computing Center (ARTIC) noong Oktubre 9, 2025 sa St. Mary's University, Bayombong, Nueva Vizcaya. Binuksan ang sentro bilang isa sa mga tampok ng 2025 RSTW sa Cagayan Valley. (Larawan ni Allan Mauro V. Marfal, DOST-STII)

Naglunsad ng mga “smart moves” para palakasin ang mga micro, small, at medium enterprises (MSMEs) at nagbukas ng isang modernong robotics center ang Cagayan Valley sa pagdiriwang ng Regional Science, Technology, and Innovation Week (RSTW) ngayong taon.

Layunin ng mga hakbangin na ito, na pangungunahan ng Department of Science and Technology (DOST) Region 2, na mas palaguin ang mga lokal na negosyo sa rehiyon sa pamamagitan ng teknolohiya at inobasyon.

Ayon kay DOST Region 2 Director Dr. Virginia G. Bilgera, mahigit 1,000 maliliit na negosyo na sa rehiyon ang natulungan ng kanilang tanggapan. Isa sa pangunahing programa ang Small Enterprise Technology Upgrading Program (SETUP).

“Ang SETUP ang patuloy na isa sa ating pinakamatatag na programa. Sa ngayong taon lamang, nakapaglaan tayo ng mahigit Php 80 milyon para sa 51 na MSME. Simula noong 2002, mahigit 1,190 na maliliit na negosyo na ang nabigyan natin ng kapangyarihan,” pahayag ni Director Bilgera.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng MSMEs, na bumubuo sa mahigit 99% ng mga negosyo sa bansa, ang pangunahing pinagmumulan ng trabaho, at nag-aambag ng humigit-kumulang 40% sa Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas.

Kabilang sa mga tampok na pangyayari sa RSTW 2025 ay ang pagbubukas ng Adaptive Robotics Technology and Intelligent Computing Center (ARTIC) sa St. Mary’s University dito sa Bayombong.

Ang ARTIC ay idinisenyo upang pagandahin ang mga industriya ng pagkain sa pamamagitan ng paggamit ng mga robot at advanced na computing sa produksyon, pagproseso, at distribusyon ng mga pagkain. Layunin nito na mapataas ang produktibidad, masiguro ang kaligtasan ng pagkain, at maging mas sustainable ang mga proseso.

Ayon kay DOST-PCIEERD Executive Director Enrico Paringit, bahagi ito ng estratehiya ng ahensya upang palakasin ang “Industry 4.0” sa bansa, kung saan kasama ang robotics at mechatronics.

“Kailangan nating bigyan ng bagong pananaw ang ating mga SMEs kung paano nila pwedeng i-automate ang kanilang mga proseso sa pamamagitan ng paggamit ng mga robot. Akala kasi natin ang robot ay ‘yung gumagalaw, nagsasalita. May mga robot na ginagamit sa simpleng paulit-ulit na gawain, tulad ng pagbubuhat at pagpa-pack ng mga produkto,” paliwanag ni Paringit.

Giit naman ni DOST Secretary Renato Solidum Jr., hindi dapat ikabahala na palitan ng mga robot ang mga manggagawa. Sa halip, ang mga robot ay tutulong sa mga delikadong trabaho at magpapabilis sa produksyon.

“Huwag kayong mag-alala, hindi papalitan ng robot ang karamihan sa mga trabaho. Karaniwan, ang ginagawa natin sa robot, ‘yung mga delikadong trabaho na madaling makasugat o makamatay ng tao. Kapag lumago ang isang kumpanya dahil sa automation, mas marami pa itong mangangailangan ng tao, lalo na sa sales,” dagdag ni Secretary Solidum.

Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng mga manggagawang sanay sa pagmamanipula ng mga robot, kung kaya’t mahalaga ang mga pasilidad tulad ng ARTIC para sa mga mag-aaral.

Bukod sa mga negosyo, makikinabang din ang mga mag-aaral sa ARTIC. Magkakaroon sila ng hands-on na karanasan sa robotics, na maghahanda sa kanila para sa mga trabaho sa hinaharap.

Ayon kay Usec. Sancho Mabborang, may hindi bababa sa limang kumpanya sa bansa na handang mag-transform tungo sa Industry 4.0, ayon sa initial assessment ng DOST.

Ipinakita nina Project Leader Angelo A. Pimentel at Technical Specialist Gerene-Leigh C. Almazan ang paggamit ng adaptive robotics sa paglulunsad ng Adaptive Robotics and Intelligent Computing Center (ARTIC) noong Oktubre 9, 2025 sa St. Mary’s University, Bayombong, Nueva Vizcaya. Binuksan ang sentro bilang isa sa mga tampok ng 2025 RSTW sa Cagayan Valley. (Larawan ni Allan Mauro V. Marfal, DOST-STII)

Ang RSTW ay isa sa mga inisyatibo ng DOST upang magbigay ng mga solusyong batay sa agham at inobasyon para sa kapakanan ng tao, paglikha ng yaman, proteksyon, at sustainability.#

NO COMMENTS