Isang pag-aaral na isinagawa sa Tsina ang nakatuklas na malaki ang epekto ng paglalagay ng “Genetically Modified” o GM label sa desisyon ng mga mamimili kung bibilhin o hindi ang isang produkto.
Batay sa datos mula sa 800 na kalahok at sa pagsusuri sa dalawang uri ng produkto—ang pagkain (edible soybean oil) at hindi pagkain (non-edible cotton)—ipinakita ng pananaliksik kung paano umiintindi at tumutugon ang mga konsyumer sa mga label na ito.
Mga Pangunahing Natuklasan ng Pag-aaral:
- Negatibong Epekto ng GM Label: Ang paglalagay ng “GM” label ay pare-parehong nagpapababa ng interes ng mga mamimili na bilhin ang produkto, maging ito man ay pagkain o hindi.
- Positibong Epekto ng “Non-GM” Label: Sa kabilang banda, ang label na “Non-GM” ay may mas malakas na positibong epekto, lalo na sa mga produktong pagkain. Ibig sabihin, mas gustong bilhin ng mga tao ang produktong may tatak na hindi genetically modified.
- Pagkakaiba ng Kaalaman at Panganib: Lumabas na ang risk perception o ang pagkilala sa panganib ang siyang tagapamagitan sa epekto ng label at sa desisyon ng mamimili. Ang mga taong may mataas na tiwala sa kanilang kaalaman ukol sa GM ay mas mababa ang reaksyon sa “babala” ng GM label at mas umaasa sa kanilang paniniwala o nalalaman.
Rekomendasyon ng mga Mananaliksik:
Dahil sa mga natuklasan, binigyang-diin ng mga mananaliksik na ang isang “one-size-fits-all” o iisang pamamaraan lamang sa paglalagay ng GM label ay maaaring hindi epektibo.
Iminungkahi nila ang pagdisenyo ng tiered or hierarchical information disclosure system o isang sistema na may antas-antas na pagpapakita ng impormasyon. Layunin nito na umangkop sa iba’t ibang estilo ng pag-iisip at pangangailangan sa impormasyon ng mga mamimili.
Dapat aniya ay lampasan na ng mga kumpanya ang konsepto ng “idealized consumer” at gumamit ng mga estratehiya sa komunikasyon na nagbibigay ng malinaw at madaling maunawaang impormasyon para sa iba’t ibang grupo ng mga mamimili.#