Isang makasaysayang pagbabago sa pulitika ng bansa ang binabalak ng mas nakararaming Pilipino, ayon sa pinakabagong survey ng Tangere, kung saan tatlong-kapat (75%) ng mga respondent ang sumuporta sa panukala na ibaba sa 35 anyos ang age requirement para maging presidente ng bansa.
Ang malakas na suporta para sa panukala ni Senador Tito Sotto na ito ay pinangunahan ng mga kabataang botante edad 18 hanggang 48 anyos, na nagpapakita ng pagnanais ng bagong henerasyon para sa mas batang liderato.
Sa isang maagang pre-election survey para sa 2028, ipinakita na si Vice President Sara Duterte ang nangungunang pinili para sa pagka-pangulo na may 44% na voter preference. Sumunod sa kanya sa malayong agwat si Naga City Mayor Leni Robredo na may 20%.
Ngunit ang pinakakapana-panabik na bahagi ng survey ay ang “alternative scenario” kung saan ibinaba na ang age requirement. Dito, lumabas na si Mayor Vico Sotto ng Pasig ang tanging politiko na kayang makipag-sabayan at makipag-unggali sa lakas ni VP Duterte.
Ani ng survey, kung 35 anyos ang age limit, halos magkapantay lamang ang mga botong natanggap nina Sotto at Duterte. Nakamit ni Mayor Vico ang 34% na voter preference, na pangunahing mula sa mga rehiyon ng Metro Manila, Southern Luzon, Central Luzon, Northern Luzon, at Western Visayas.
Ang lakas ni Sotto ay nagmula sa dalawang magkaibang grupo:
- Halos 20% ng mga orihinal na supporter ni VP Duterte ang lumipat kay Mayor Vico sa alternative scenario.
- Humigit-kumulang kalahati ng mga suporter ni Mayor Leni Robredo ang siya namang lumipat kay Sotto.
Lumabas din sa survey na ang endorsement ng isang lider ay napakalakas. Halos siyam sa sampung (9 out of 10) supporter ni Leni Robredo ang nagsabing susuporta sila sa kandidatong ia-indorso ng dating Bise Presidente kung hindi ito tatakbo.
Dahil sa kalahati ng kanyang mga supporter ay lumipat na kay Vico Sotto, ang datos ay nagpapahiwatig na ang pag-endorso ni Leni Robredo ang maaaring maging susi para masiguro ang tagumpay laban kay VP Duterte.
Ipinakikita ng survey na nais ng mga Pilipino ang pagbabago at bukas sa isang mas batang lider. At sa scenario na iyon, si Mayor Vico Sotto ang itinuturing na pinakmalakas na alternatibo, na kayang bumuo ng isang malawak na koalisyon mula sa Hilaga hanggang Timog ng bansa, at mula sa magkabilang kampo ng pulitika. Ang kanyang pagtakbo ay nakasalalay sa isang pagbabago sa Konstitusyon, ngunit para sa 75% ng mga Pilipino, iyon ay isang pagbabagong nais nilang mangyari.#