Isang masinsinang siyentipikong pagsusuri ang nagpapaliwanag kung bakit ang Quezon City ang naging epicenter ng malawakang pagbaha noong nakaraang Agosto 2025 na nagdulot ng malawakang pagkaantala ng mga serbisyo at pagkalikas sa libu-libong residente.

Ayon sa pag-aaral na pinamunuan ng UP Resilience Institute na si Dr. Mahar Lagmay, hindi umano ito karaniwang pagbaha kundi isang “hyperlocalized” na pangyayari kung saan ang napakalakas na pag-ulan ay tumama mismo sa lungsod at ilang bahagi ng kalapit-lungsod ng Marikina.

Ayon sa mga datos, umabot sa 141 milimetro ang kabuuang ulan na bumuhos sa loob ng 24 oras. Ngunit ang mas nakababahala ay ang “peak rainfall intensity” na naitala: 121 milimetro bawat oras sa pagitan ng 2:00 hanggang 3:00 ng hapon.
Ibig sabihin, mas malakas pa ito kaysa sa naitalang pag-ulan na dala ng Bagyong Ondoy na nasa 90 milimetro bawat oras. Sa katunayan, ang lakas ng ulan na naranasan sa QC sa loob lamang ng isang oras ay katumbas na ng isang buong araw na ulan sa ibang siyudad.
Dahil dito, hindi kayang pigilan ng mga impermeable na urban surfaces tulad ng kongkreto at aspalto ang mabilis na pag-apaw ng tubig. Kahit na ang mga pinahusay na drainage system ay hindi sapat para sa ganitong uri ng lakas ng ulan.
Binigyang-diin ni Dr. Lagmay na hindi ito biglaang sakuna na walang babala. Sa katunayan, ang Drainage Master Plan ng Quezon City na binuo kasama ng UP Resilience Institute ay naunang nakatukoy na sa mga flood-prone zones na sinalanta ng baha.
“Nabigyan na ng babala ang mga residente sa mga lugar na ito, at sila ay may kaalaman na kung paano tumugon sa ganitong sakuna,” ayon sa ulat. “Ngunit ang bilis at lakas ng ulan ay lumampas sa karaniwang antas ng kahandaan.”
Narito ang ilan sa mga pangunahing rekomendasyon ng mga eksperto:
- Palakasin ang Real-Time Monitoring: Magdagdag ng mga rain gauge at isama sa maagang babala sa publiko.
- Audit sa Imprastraktura: Siguraduhin na ang mga flood control project ay naaayon sa pinakabagong datos ng klima.
- Nature-Based Solutions: Gumamit ng mga bioswales, permeable pavements, at retention parks para masipsip ang tubig.
- Patuloy na Pagkakapasidad sa Komunidad: Sanayin ang mga residente sa high-risk areas sa pamamagitan ng mga drill at pagtuturo.
- Climate-Adaptive Governance: Ituring ang pagbaha hindi bilang pangkaraniwang problema kundi hamon sa pagbabagong-klima na nangangailangan ng koordinasyon ng iba’t ibang ahensya.
Giit ng mga eksperto, ang siyensya ay malinaw at ang mga babala ay naroon na. Ang hamon ngayon ay siguraduhin na ang pamamahala ay makakasabay sa nagbabagong klima.#