Nanawagan ang Integrated Rural Development Foundation (IRDF) na ibasura ang Rice Tarrification Law (RTL) dahil nagdulot umano ito ng malawakang paghihirap sa mga magsasaka kaya hiniling nila sa mga mambabatas na magpatupad ng bagong batas. Batas na dapat mabigyan ang estado ng kakayahang kontrolin ang presyo at suplay ng bigas, protektahan ang mga magsasaka at tiyakin ang abot-kayang bigas para sa lahat.
Sa ulat ng IRDF, patuloy na naghihikahos ang mga maliliit na magsasaka ng palay sa bansa dahil sa mababang farmgate price at mataas na gastos sa produksyon. Anila, umaabot sa P10 kada kilo ang presyo ng palay, samantalang P18 naman ang gastos para makapag-produce ng isang kilo. Ibig sabihin, P8 ang lugi ng mga magsasaka sa bawat kilong inaani.
Dagdag pa dito, ang mga nagdaang bagyo ay puminsala sa mga taniman na nagdulot ng karagdagang gastos para sa muling pagtatanim at pag-ayos ng mga lupain. Hindi rin makahinga ang mga magsasaka dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng abono, pestisidyo, at krudo.
Ayon sa nakalap nilang datos, nangunguna na ang Pilipinas sa pag-angkat ng bigas sa buong mundo, na umabot sa 4.8 milyong metric tonelada noong 2024 na pawang galing ang karamihan sa Vietnam, Thailand, at Pakistan na nagresulta ng lalong pagbagsak ng presyo ng lokal na palay, habang kumikita nang malaki ang mga rice importers at traders.
Paliwanag ng IRDF, sa value chain ng bigas ang mga magsasaka ang pinakanalulugi. Samantala, ang mga traders, millers, at importers ang lubos na kumikita dahil sa kontrol nila sa merkado, logistics, at impormasyon. Nawalan na rin ng kapangyarihan ang National Food Authority (NFA) para protektahan ang mga magsasaka dahil sa Rice Tariffication Law (RTL).
“Kung patuloy na pababayaan ang mga magsasaka, sino ang magtatanim ng ating pagkain?” giit ng IRDF.#