Home Agriculture Krisis sa bigas at kawalan ng suporta sa magsasaka ang dapat pagtuunan...

Krisis sa bigas at kawalan ng suporta sa magsasaka ang dapat pagtuunan ng gobyerno

0
7

Tinalakay ng grupo ng magsasaka ang mga batas at polisiya na nagdulot ng matinding krisis sa sektor ng agrikultura, partikular sa mga magsasaka ng palay sa isang public forum na pinangunahan ng Integrated Rural Development Foundation Inc. (IRDF) na ginanap sa Felicidad Restaurant, Maginhawa St., Quezon City.

Si Dr. Teodoro “Ted” C. Mendoza ay isang batikang siyentipiko sa larangan ng agrikultura at edukador sa University of the Philippines Los Baños (UPLB). Ipinanganak noong Pebrero 25, 1954 sa Tarlac, Pilipinas, inilaan niya ang kanyang propesyonal na buhay sa pagsusulong ng pananaliksik at edukasyon sa agrikultura.
Kilala si Dr. Mendoza sa kanyang malawak na kontribusyon sa agham pang-agrikultura sa pamamagitan ng mga publikasyong tulad ng “Addressing the ‘Blind Side’ of the Government’s Jeepney ‘Modernization’ Program” (2021) at “Studies on sugarcane physiology, intercropping systems, and organic rice production”.
Pinarangalan siya ng Best Paper Award mula sa Philippine Sugar Technologist Association Inc. noong 1983 at 1991, at ng Productivity Award mula sa University of the Philippines noong 2006–2008.
Maliban sa akademya, aktibo rin siyang nagsusulong ng mga napapanatiling pamamaraan sa pagsasaka, partikular na sa organic rice production. Madalas siyang imbitahan bilang tagapagsalita sa mga seminar at talakayan upang ibahagi ang kanyang kaalaman at pananaw hinggil sa mga hamon at oportunidad sa sektor ng agrikultura.

Pinamagatang “Reclaim Our Rice, Secure our Future,” ang tinalakay ni Teodoro “Ted” C. Mendoza ang mga isyung kinakaharap ng mga magsasaka, kabilang ang kawalan ng suporta, mababang presyo ng palay, at pagliit ng lupang sakahan.

Aniya, tatlong mahahalagang batas na ipinatutupad na ang patuloy na nagpapahirap sa mga magsasaka: Ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) – RA 6657, dahil sa fragmented na lupa at kakulangan ng suporta, maraming agrarian reform beneficiaries ang hindi nakapagsaka nang maayos, na nagresulta sa ₱340 bilyong lugi sa agrikultura noong 2019; Land Use Conversion Policies – DAR AOs 1 & 6 (2019), na pinadali ang pag-convert ng mga sakahan sa commercial o residential areas, lalo na sa mga rice-producing provinces tulad ng Bulacan, na nagdulot ng pagkawala ng lupang taniman; at Rice Tariffication Law (RA 11203), dahil sa libreng importasyon ng bigas, bumagsak ang presyo ng lokal na palay. Nawalan din ng kapangyarihan ang National Food Authority (NFA) na suportahan ang mga magsasaka, na nagdulot ng kahirapan at pagkakautang.

Binanggit din ni Mendoza na ang mga panukalang batas na isinusuolong ngayon ay hindi solusyon sa lumalalang suliranin ng agrikultura gaya ng: HB 1 (P20/kg Rice Program), na itinatakda ang mababang presyo ng bigas, ngunit hindi sapat ang suporta sa magsasaka, na maaaring magdulot ng pagkalugi sa kanila; at HB 10381 (RICE Act), na binibigyan muli ng kapangyarihan ang NFA, ngunit walang garantiya laban sa korupsyon at kawalan ng representasyon ng mga magsasaka sa desisyon.

Paliwanag ni Mendoza, ang alternatibo at tunay na kalutasan ay ang Rice Industry Development Act (RIDA) na naglalayong: magbigay ng makatarungang presyo (₱20–₱25/kg) sa palay, bigyan ng representasyon ang mga magsasaka sa mga desisyon, suportahan ang kabataan sa pagsasaka sa pamamagitan ng mga programa at insentibo at palakasin ang lokal na produksyon upang mabawasan ang pagdepende sa importasyon.

Ayon sa grupo, kung hindi aaksyunan, isang banta sa hinaharap ang maaaring pagkawala ng mga magsasaka sa loob ng 10–12 taon dahil sa kawalan ng kita at paglipat ng mga kabataan sa ibang trabaho.

Giit ni Mendoza, “Ang mga magsasaka ang tunay na bayani ng ating pagkain, ngunit sila mismo ang pinababayaan,”

Nanawagan ang mga magsasaka sa gobyerno na bigyang prayoridad ang sektor ng agrikultura upang matiyak ang food security at kinabukasan ng bansa.#

NO COMMENTS